NTF kinalampag ng solon MAGHANDA SA BAGONG COVID STRAIN

INUSISA ni Senador Ramon Bong Revilla, Jr. ang paghahanda ng National Task Force (NTF) on COVID-19 para hindi makapasok sa Pilipinas ang bagong strain ng SARS-CoV-2 virus na nadiskubre sa United Kingdom (UK) na naging dahilan ng pagsasara at patuloy pang pagsasara ng mga border ng iba’t ibang bansa sa mga bumibiyahe mula roon.

Ayon sa senador, ang bagong strain na tinawag ng mga dalubhasa na B.1.1.7, ay may mahigit 20 mutations mula sa kasalukuyang strain ng virus at pinaniniwalaang mas nakahahawa, at mas mabilis kumalat sa mas mataas na antas.

Giit ni Revilla, habang wala pang indikasyon ng kahit anong epekto ng mutations sa kasalukuyang nadiskubreng virus ay ipinagbawal na ng mga bansang Ireland, Germany, France, Italy, Austria, Turkey, Switzerland, the Netherlands, Belgium, at Canada ang kahit sinong papasok na magmumula sa Britanya.

Nakumpirma rin aniya na ang bagong strain ay umabot na sa Asia-Pacific, base sa pahayag ng Australia noong nakaraang Lunes na nakapag-ulat ng mga kaso na ng bagong UK strain na napakabilis kumalat.

“Hindi dapat magpatumpik-tumpik. Huwag namang umabot pa na makapasok ang bagong strain,” giit pa ni Revilla. (NOEL ABUEL)

234

Related posts

Leave a Comment