NUMERO HINDI NAGTUTUGMA SA KWENTO NG ’18 EX-MARINES’

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

GINULAT ang publiko sa biglaang pag-eksena ng 18 na indibidwal na nagsasabing dati silang Marines habang abala ang lahat sa pagtutok sa pagdinig ng International Criminal Court (ICC) laban kay dating pangulong Rodrigo Duterte.

Mabigat ang akusasyon ng mga nagsabing sila’y dating sundalo. Naghatid daw kasi sila ng maleta-maleta ng pera sa ilang politiko kaugnay ng flood control projects mula 2023 hanggang 2025.

Umabot daw sa P805 bilyon ang kabuuang halaga. Malalaking pangalan ang nadawit. Pero kasunod ng kanilang rebelasyon ang pag-usbong ng kaliwa’t kanang tanong.

Ayon kay Senate President Pro Tempore Panfilo Lacson, hindi nagtutugma ang mga numerong inilatag kumpara sa opisyal na pondo ng flood control sa mga nabanggit na taon. Kung sablay ang pangunahing datos, paano paniniwalaan ang kabuuang akusasyon?

Sabi nga sa pamosong meme ng Gen Zs, “The math aint mathing”.

May pagdududa rin si Lacson sa motibo sa likod ng mga paratang, lalo’t inilabas ang mga ito habang ginaganap ang ICC confirmation of charges hearing ng dating Pangulo.

“Ang pinu-project du’n, napaka-corrupt ng ICC ‘di ba? Dahil nilagyan ng $2 million, allegedly, through former Senator Trillanes,” ani Lacson.

Hindi rin maikakaila ang kahalagahan ng timing—lumabas ang alegasyon isang araw bago ang pagdiriwang ng EDSA People Power anniversary.

“Timing nila, bisperas noong Trillion (Peso) March, ‘yung 40th anniversary ng EDSA (Revolution),” dagdag ni Lacson.

Para kay Lacson, hindi ito basta nagkataon lamang. Maaari raw itong may pulitikal na implikasyon o bahagi ng malawakang panggugulo. Sa pulitika, ang oras ng paglabas ng impormasyon ay kadalasang kalkulado.

Samantala, inihayag ng Philippine Navy na apat sa 18 na nagpakilalang “Marines” ay hindi naman kabilang sa Marine Corps. Kung totoo ito, hindi lang ito usapin ng kredibilidad kundi posibleng indikasyon ng gawa-gawang pagkakakilanlan.

Heto pa isang nagpalamya sa akusasyon. Biruin n’yong idinamay si Malayang Liberal Party-list Representative Leila de Lima. Ayon sa alegasyon, tumanggap umano siya ng maletang puno ng pera mula 2022 hanggang 2025. Ngunit siya ay nakakulong hanggang November 2023 at naging mambabatas lamang matapos ang 2025 elections. Hindi rin siya kabilang sa Kongresong nag-apruba ng 2025 national budget. Kung wala siyang direktang papel sa paglalaan ng pondo, ano ang saysay ng umano’y pagbibigay sa kanya ng ganoong kalaking halaga?

Hindi dapat ipagsawalang-bahala ang ganitong kabibigat na alegasyon at nararapat itong siyasatin. Ngunit hindi rin maaaring balewalain ang mga puwang at kalabuan sa kwento. Sa ganitong kalaking isyu, hindi sapat ang press conference at drama. Kinakailangan ang dokumento, bank trail, service records, at pagkakatugma ng mga pahayag.

Sa panahon ng matinding ingay sa pulitika, madaling makabuo ng headline pero ang mahirap ay ang maglatag ng matibay na ebidensya.

Sabagay, may mga pumalag na at nagbantang magsasampa ng kaso kaya magkaalaman na lang pagdating sa korte kung sino ang may ebidensya o wala.

1

Related posts

Leave a Comment