(NI BERNARD TAGUINOD)
BAGAMA’T sandamakmak ang nagtatapos ng nursing sa bansa taun-taon, nagkukulang ng Nurse sa mga public hospital sa bansa dahil umaabot ng 64 pasyente ang inaakaso ng isang nurse.
Ito ang dahilan kaya nanawagan si House deputy minority leader Neil Abayon sa Civil Service Commission (CSC) na luwagan ang requirement sa pagkuha ng mga nurse na magsisilbi sa mga public hospitals.
Ayon sa mambabatas, ang ideal ‘nurse to patient’ ratio ay 1:12 o isang nurse sa bawat 12 pasyente subalit hindi aniya ito ang sitwasyon ngayon sa mga public hospitals.
“Sa Jose Reyes Memorial Medical Center halimbawa, ang nurse to patient ratio sa male surgical ward is 2:59 habang 2:64 naman sa women surgical ward gayundin sa stroke unit,” anang mambabatas.
Maging sa National Kidney and Transplant Institute (NKTI) ay 25 hanggang 25 pasyente ang inaasikaso ng dalawang nurse lamang kaya bukod sa na-eexpose ang mga ito sa iba’t ibang sakit ay pagod na pagod ang mga ito kaya apektado ang mga may sakit.
“Hindi po basta-basta ang trabaho ng isang nurse. Imagine 1 nurse taking care of 50 to 80 patients. That’s according to the Laban Nurses Movement. Again, the DoH nurse to patient ratio is 1 nurse for every 12 patients,” ani Abayon.
Isa sa mga dahilan kung bakit nangyayari aniya ito ay ang mahigpit na panuntunan sa pagkuha ng mga nurse na magtatrabaho sa mga public hospital dahil hinahanapan ang mga ito maraming mahabang experience.
Maliban dito, walang gana ang mga nursing graduate na magtrabaho dahil mga contractual o kaya job order lang ang inaalok sa mga ito.
Kailangan na rin umanong itaas P30,000 ang sahod ng mga public hospital nurse upang ganahan ang mga ito na magtrabaho at iregular ang mga ito.
Halos kalebel lamang ng mga bagong nurse na nagtatrabaho sa mga public hospital ang sahod ng mga Teacher 1 na mahigit P20,000 lamang kada buwan.
304