CAVITE – Patay ang isang construction worker nang pagsasaksakin ng kanyang kabaro habang nag-iinuman makaraang magtalo hinggil sa trabaho sa bayan ng Indang sa lalawigan noong Sabado ng gabi.
Naisugod pa sa Gen. Emilio Aguinaldo Hospital ang biktimang si Erni Magallon, binata, ng Brgy. Mahabang Kahoy Cerca, Indang, Cavite ngunit hindi umabot nang buhay.
Naka-hospital arrest naman ang suspek na si alyas “Dennis” 47, tubong Negros Occidental, binata at isa ring construction worker, dahil sa mga sugat sa katawan.
Una dito, nag-iinuman ang dalawa bandang alas-11:50 ng gabi sa harapan ng kanilang barracks sa Purok 7, Brgy. Mahabang Kahoy Cerca, Indang, Cavite nang umano’y komprontahin ng biktima ang suspek hinggil sa kanilang trabaho.
Minasama umano ito ng suspek na humantong sa kanilang pagtatalo hanggang sa kumuha ito ng kutsilyo at inundayan ng saksak ang biktima.
Nasugatan din ang suspek sa insidente dahil sa pagtatanggol sa sarili ng biktima.
Kapwa isinugod sa pagamutan ang dalawa ngunit hindi umabot nang buhay ang biktima.
(SIGFRED ADSUARA)
