31 PAG members huli, 3 terorista napatay AFP NASA ELECTION AT FIGHTING MODE

IDINEKLARA ng pamunuan ng Armed Forces of the Philippines na naka-dual mode ang kanilang buong pwersa bago pa man ang gaganaping national and local election ngayong Lunes.

Nasa election at fighting mode ang lahat AFP unified kaya habang abala sa pagbibigay ng seguridad para sa isasagawang May 12 midterm election ay tuloy-tuloy rin ang kanilang opensiba laban sa lawless elements.

Sa Northern Luzon Command, may 31 indibidwal na hinihinalang mga kasapi ng private armed groups, ang nadakip ng Special Operations Command’s Trident North at 501st Infantry Brigade sa Barangay Laskig, Pidigan, Abra, matapos na matiktikan ang presensiya ng mga armadong kalalakihan nitong Sabado.

Nasabat ng military ang anim na sasakyan at sampung kalalakihang sakay nito na nahulihan ng ilang high-powered firearms, kabilang ang apat na M16 rifles, isang Bushmaster rifle, at limang.45 caliber pistol.

Kasabay rin ng nasabing operasyon ay may 21 indibidwal ang inaresto matapos na makita sa kanila ang dalawang illegally held .45 caliber pistols.

Napatay naman ng mga tauhan ng 67th Infantry Battalion ng 10th Infantry (Agila) Division, Philippine Army, si Elbert Echavez, alyas “Aldrin”, ang commanding officer ng Regional Sentro de Grabidad (RSDG) Jaguar na nasa ilalim ng Southern Mindanao Regional Committee (SMRC), matapos ang sagupaan sa Sitio Mendezona, Barangay Rajah Cabungsuan, Lingig, Surigao del Sur, at isang M16 Armalite rifle ang nabawi ng militar.

Dalawa naman ang patay, isa ang sugatan, at pito ang naaresto mula sa armadong grupo matapos ang matagumpay na joint law enforcement operations kontra sa naglalabang mga puwersa sa Brgy. Pandag, Pandag, Maguindanao del Sur, noong Sabado ng umaga, Mayo 10, 2025.

Kinilala ni Lt. Col. Felmax B. Lodriguito Jr., pinuno ng 2nd Mechanized Infantry Battalion ang napatay na si Emran Mamalinta alias “Mengko”, kumakandidato bilang konsehal ng bayan, at isang hindi pa nakikilalang lalaki.

(JESSE KABEL RUIZ)

117

Related posts

Leave a Comment