NANATILING apektado ng mga nagdaang bagyo at ng pinalakas na epekto ng Southwest Monsoon ang nasa 135 road network sa Luzon dahil sa mga landslide at pagbaha kabilang ang Northern Luzon Expressway (NLEX) na patuloy na binabantayan ng National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC) at ng operating arms nitong Office of Civil Defense.
Sa ulat ng OCD, apektado pa rin ng pagbaha ang 135 road networks sa Luzon bunsod ng patuloy na pag-ulan dulot ng Habagat.
Batay sa datos ng National Disaster Risk Reduction ang Management Council (NDRRMC), 678 flooded areas ang patuloy na minomonitor ng pamahalaan, na karamihan ay mula sa Central Luzon.
Kaugnay ng flooded roads ay partikular na tinututukan ng NDRRMC ang NLEX na patuloy na dumaranas ng mga lubog na segments sa kahabaan nito na lumilikha ng hanggang siyam na oras na trapik sa kahabaan nito kung saan malalaking sasakyan lamang ang pinayagang makaraan.
Hanggang nitong Martes ay nanatiling mabigat ang trapiko sa ilang bahagi ng North Luzon Expressway (NLEX), habang patuloy ang water buildup sa San Simon, Pampanga dahil sa pagtaas ng lebel ng Pampanga River.
Dahil dito, patuloy ang koordinasyon ng pamahalaan sa North Luzon Expressway (NLEX) management upang maibsan ang epekto ng matinding trapiko at pagbaha na nakaaapekto sa paghahatid ng mga kinakailangang tulong mula Metro Manila patungong Hilagang Luzon.
Habang tuloy-tuloy na tinututukan ng OCD at mga katuwang na ahensya, ang sitwasyon upang mapanatili ang ligtas na pagbiyahe at mapabilis ang pagresponde sa mga komunidad na nangangailangan ng tulong.
Batay sa NLEX Corporation advisory, dakong alas-10 ng umaga, pansamantalang sarado sa lahat ng uri ng sasakyan ang Sta. Rita at Pulilan northbound entries, habang sarado rin ang Libtong Exit dahil sa pagbaha sa local road.
Sa Tulaoc, San Simon, mabigat ang trapiko at may tubig sa lahat ng lanes. Passable sa lahat ng uri ng sasakyan ang Lane 1, habang Class 2 at 3 vehicles lamang ang maaaring dumaan sa Lane 2. Hindi madaanan ang Lane 3.
Sa San Simon Interchange, Class 2 at 3 vehicles lamang ang maaaring dumaan sa Lane 1 habang hindi passable ang Lane 3 dahil sa mataas na tubig.
Inabisuhan naman ang mga northbound na Class 1, 2 at 3 vehicles na lumabas sa Balagtas Exit at dumaan sa Maharlika Road patungong Central Luzon Link Expressway (CLLEx) bilang alternatibong ruta.
Para sa southbound motorists, pinapayuhan ang Class 1 vehicles na mula SCTEX at TPLEX patungong Metro Manila na dumaan sa CLLEx patungong Maharlika Highway.
Patuloy ring nakararanas ng mabigat na trapiko ang Candaba Viaduct, bagama’t nananatili itong passable sa lahat ng uri ng sasakyan.
Nauna nang sinabi ng NLEX management na ang matinding pagbaha sa San Simon ay dulot ng patuloy na pagtaas ng tubig sa Pampanga River kasunod ng sunod-sunod na malalakas na pag-ulan.
Pinapayuhan ang mga motorista na maglaan ng mas mahabang oras sa biyahe, gumamit ng alternatibong ruta at patuloy na bantayan ang mga bagong traffic advisory habang nananatiling pabago-bago ang kondisyon sa NLEX.
(JESSE RUIZ)
56 