ISINUSULONG ni Senate President Pro Tempore Vicente C. Sotto III ang malalim na imbestigasyon sa Senado kaugnay ng ugat at matinding epekto ng sunod-sunod na bagyo at Southwest Monsoon o Habagat na tumama sa bansa.
Layunin nitong mapalakas ang disaster mitigation at paghahanda ng Pilipinas sa panahon ng kalamidad.
Sa ilalim ng Senate Resolution No. 631, sinabi ni Sotto na halos lingguhan ang pananalasa ng mga bagyo at habagat noong Agosto, na nagdulot ng malawakang pagbaha, suspensyon ng klase at trabaho, pagka-stranded ng mga commuter, pagsasara ng mga negosyo at pagbaha sa libu-libong kabahayan.
Binigyang-diin din ng senador ang pangangailangang suriin ang tibay at pagiging epektibo ng mga pampublikong imprastraktura, lalo na ang mga flood-control project na itinayo upang protektahan ang mga komunidad laban sa pagbaha.
Batay sa resolusyon, umabot sa tinatayang P5.1 bilyon ang pinsala sa pampubliko at pribadong imprastraktura, kabilang ang pagkasira at pagguho ng ilang kalsada, tulay at flood-control structures.
Kabilang sa mga binanggit ni Sotto ang mga hindi pa natatapos na flood-control project sa Sablayan, Occidental Mindoro, na umano’y nasira at lalo pang nagpalala sa pinsala sa mga residente.
Tinukoy din niya ang pagguho ng bahagi ng Benguet-Nueva Vizcaya Road dahil sa malalakas na ulan.
Kasama rin sa resolusyon ang pagbagsak ng Aquino Bridge at Agana Bridge sa Tarlac City noong Agosto 29. Ang Agana Bridge ay gumuho habang may sinasakyang sasakyan na may limang sakay.
Bukod sa pinsala sa imprastraktura, ikinabahala rin ni Sotto ang ulat ng Department of Health (DOH) na nakapagtala ng 5,486 kaso ng leptospirosis at 344 na nasawi matapos ang pagbaha dulot ng habagat.
Ayon sa senador, mahalagang masuri kung sapat ang katatagan ng mga pampublikong imprastraktura sa harap ng lumalalang epekto ng mga bagyo.
Dapat din umanong tiyakin na ang malalaking proyekto ay maayos na napag-aaralan at isinasaalang-alang ang magiging epekto ng mga ito sa pagbaha at likas na yaman.
(DANG SAMSON-GARCIA)
69 