OCONER, NAVY UNA PA RIN SA RONDA 2020

VIGAN CITY – Halos winalis ng Philippine Navy-Standard Insurance ang lahat ng titulo maliban sa isa, tungo sa huling yugto ngayong umaga na magsisilbing “coronation ride” na lamang para kay George Luis Oconer bilang kampeon ng 10th LBC Ronda Pilipinas.

Inagaw muna ni Kenneth Solis ng Tarlac Central Luzon ang 179 km Stage 9 na nagsimula sa Pugo, La Union at nagtapos sa Heritage Site ng Vigan City, La Union sa bakbakan ng anim na riders patungo sa finish line sa harap mismo ng Vigan Provincial Capitol sa kabuuang 4 oras, 15 minuto at 27 segundo.

“May bumanat pero sinubukan ko lang humabol. Gusto ko po talagang manalo. Humabol yung peloton kasi  marami rin ang gustong manalo ngayon pero talagang inilayo na namin,” sabi ng 26-anyos na si Solis, na inialay ang unang career lap win sa kanyang isang buwang anak na si Brianna Kate.

Pumangalawa si Christopher Garado ng Southern Luzon-Batangas, pumangatlo si Mar Sudario ng Bike Extreme, kasunod sina Mervin Corpuz ng 7-11 at Bryant Sepnio ng Celeste Cycles.

Hindi nagbago ang overall standings kung saan anim sa nangungunang riders ay mula sa Navy, tatlo sa Go for Gold, at isa sa Army.

Isinuot muli ni Oconer ang red jersey o overall leadership sa kabuang 31:50:52 segundo kasunod sina Ronald Oranza (+1m15s), Ronald Lomotos (+1m18s), John Mark Camingao (+1m53s), Jun Rey Navarra (+2m17s) at El Joshua Cariño (+3m51s).

“Poprotektahan na lang namin bukas. Safety na lang kami pero maghahabol pa rin kami manalo sa last lap,” sabi ni Go for Gold team manager Ednalyn Hualda.

Tanging ang natitirang Stage 10 na 40 minuto at dagdag na 3 lap na lamang ang bubunuin upang tuluyang maiuwi ni Oconer ang kanyang unang kampeonato sa taunang Ronda Pilipinas.

Napanatili ni 2016 at 2017 champion Jan Paul Morales ng Navy ang pagkapit sa Sprint King sa naipong 27 puntos, kasunod si Ronnel Hualda ng Go for Gold at si Arjay Peraltao ng Nueva Ecija na kapwa may 13 puntos.

Ang King of the Mountain ay halos sigurado na rin kay El Joshua Cariño ng Navy na may 39 puntos, kasunod si Junrey Navarra (28 puntos) at si John Mark Camingao (20 puntos).

Tanging ang Under 23 Classification ang nakawala sa Navy matapos itong mapunta sa Go for Gold, na winalis ang unang tatlong puwesto sa pamamagitan nina Daniel Ven Cariño, Grospe Jr. at Jericho Jay Lucero. (Ann Encarnacion)

232

Related posts

Leave a Comment