LUMIPAS na ang halos tatlong taon ay hindi pa rin nagkakaroon ng katuparan ang ating panawagan sa pagkakaroon ng OFW Advisory Council sa bawat Local Government Units (LGU) lalo na sa mga barangay.
Tanging ang bayan lamang ng Mariveles, Bataan ang nagbigay ng pagkakataon sa ating panukala na ito dahil sa pagpupurisge ng aking kaibigan na si Reuel Lusung Yumol.
Sa kalagitnaan ng malawakang pag-lockdown sa halos buong bansa sa panahon ng COVID-19 virus, ay maraming OFW ang umuwi sa Pilipinas na dumaan sa 14 days quarantine sa mga hotel na binayaran ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).
Matapos ang 14 days, ay inihatid ang mga OFW sa kani-kanilang mga probinsiya at dito na nagsimula ang kanilang kalbaryo.
Maraming mga LGU ang gumawa lamang ng temporary na quarantine facilities na kung saan ito ay nilagyan lamang ng mga tabing na kahoy at may ilan pa na ginamit ang mga bakanteng eskwelahan.
Mistulang pinandirihan ng mga local executives ang mga nagsi-uwing mga OFWs sa kani-kanilang lugar.
At ang sumbat pa nga ng maraming OFW na sa kanilang pag-uwi sa mga probinsya ay “noong kami ay nasa Maynila, ay nasa magagarang hotel kami at inalagaan ng husto sa pagkain at transportasyon, ngunit pagdating sa sariling lugar ay mistulang inilagay sa mga tambakan at tila pinandidirihan.”
Marahil ay bunga ito ng kakulangan ng pagkakaunawa ng mga local executive sa tunay na damdamin, kalagayan at pangangailangan ng mga OFW.
Kung kaya muli kong iminumungkahi ang pagkakaroon ng OFW Advisory Council sa bawat lungsod, munisipalidad at mga Barangay upang magbigay gabay sa mga pinuno ng mga LGU.
Sa aking panukala ay dapat na magkaroon ng OFW Advisory Concil na bubuuin ng 7 miyembro na nagmula sa hanay ng mga OFW, pamilya ng OFW at ng mga seafarer.
Ito ay pamumunuan ng punong lungsod o ng mga Kapitan ng barangay at isang miyembro ng konseho na pinuno ng Social Service Committee.
Ang OFW Advisory council ay dapat na regular na magmi-meeting upang bumalangkas ng kanilang rekomendasyon na makakatulong sa kapakanan ng mga pamilya ng mga OFW lalo na ang para sa mga anak ng mga OFW kung ang mga magulang nito ay nasa ibang bansa.
Anumang panukala na kanilang napagkasunduan ay ipapasa sa konseho upang irekomenda para sa pagkakaroon ng kaukulang ordinansa o resolution.
Sa paraan na ito marahil ay magkakaroon ng mas magiging malawak ang paguunawaan ang mga LGU at ang malaking sektor ng mga OFW at pamilya ng OFW.
Alalahanin sana ng mga LGU na halos lahat ng kalye sa bawat barangay ay mayroong OFW at pamilya ng OFW.
Kung kaya nararapat laman na mabigyan pansin ang pagpapapahalaga sa kanilang kapakanan.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa akin sa e-mail address saksi.ngayon@gmail.com o drchieumandap@yahoo.com o tumawag sa 09081287864.
370
