PAGLAYAS NG LOCATORS SA ECONOMIC ZONES PINABUBUSISI

HINIKAYAT ni Senador Grace Poe ang pamahalaan na busisiin kung bakit dumarami ang bilang ng locators na lumalayas sa mga economic zones sa Cagayan at Zamboanga City.

Sa pahayag, sinabi ni Poe na dapat tiyakin ng Cagayan Economic Zone Authority (CEZA) at Zamboanga City Special Economic Zone Authority (ZCSEZA) na wala nang mawawalan ng trabaho sa kani-kanilang ahensiya.

“Dapat malaman natin kung bakit umaalis ang mga locators,” ayon kay Poe.

Iniulat ng Cagayan Economic Zone Authority (CEZA) na natapyasan ang trabaho dito mula 2,880 noong 2018, tungo sa 1,555 sa unang yugto ng 2020, habang umabot na lamang sa 988 sa 2020 mula sa 1,467 katao noong 2018 ang nagtatrabaho sa ZCSEZA.

Tinukoy ni Poe sa pagdinig ng 2021 budget ng investment promotion agencies na nabigo si ZCSEZA chief Raul Regondola na tignan kung bakit lumayas ng ecozone ang isa sa pinakamalaking wig manufacturer na nagluluwas ng produkto sa Japan.

“It is part of your responsibility to figure out why relocators left. We want to make it a thriving ecozone, so dapat tanungin natin kung saan tayo nagkulang at anong puwede nating gawin,” giit ni Poe.

Sinabi ni Poe kung ang tax holiday ang dahilan kung bakit lumalayas ang relocators, puwede nilang kausapin ang DOF (Department of Finance) at NEDA (National Economic and Development Authority) para sa tulong.

“May mga bagay na puwede nating gawin para maisalba natin ang mga trabaho,” ayon kay Poe.

Ipinaliwanag naman ni CEZA administrator Raul Lambino na kaya nabawasan ang trabaho sa ecozone dahil sa kanilang paglilinis ng offshore gaming corporations at locators na natuklasang sangkot sa ilegal na aktibidad na iniulat noong Agosto. (ESTONG REYES)

153

Related posts

Leave a Comment