DADALAWA ang linya ng mga istoryang lumabas sa lahat ng media noong umaga matapos na ilampaso ng Los Angeles Lakers ang Miami Heat, 116-98, sa Game 1 ng NBA Finals noong
Miyerkoles (Huwebes sa Maynila) at noong Game 2, kung kailan muling nagwagi ang Lakers,124-114. Pamatay ang tambalang Anthony Davis at LeBron James ng Lakers, at malaking dagok ang pinsalang naganap kina Bam Adebayo at Goran Dragic para sa Heat.
Pinasinayaan ni Davis ang kanyang kauna-unahang paglalaro sa Finals, matapos ang pitong taon bilang pro, nang makagawa siya ng 34 puntos at maka-kalawit ng 9 na rebound sa Game 1 na sinundan niya ng 32 puntos sa Game 2.
Malaki ang naitulong ng halos triple-double ni James na 25 puntos, 13 rebound at 9 na assist noong Miyerkoles at halos ay naduplika niya ito noong Biyernes (33 puntos, 9 rebound at 9 assist).
Iniwan ni Adebayo ang kanyang mga kakampi maaga pa lamang sa third quarter sa unang laro dahil sa pinsala sa kanyang balikat, ganoon din si Dragic na lumabas sa court matapos ang first half dahil naman sa injury sa kanyang kaliwang paa.
Kapwa di pa rin nakalaro ang dalawa sa Game 2.
Nakaramdam din ng pagsakit sa kanyang kaliwang paa ang heart-and soul ng koponan ni Fil-Am coach Erik Spoelstra na si Jimmy Butler bago matapos ang kalahatian ng game, bagamat nagpatuloy siya sa paglalaro hanggang natapos ang Game 1.
Nakalaro si Butler sa sumunod na game subalit ang kanyang 25 puntos, 8 rebounds at 13 assists ay hindi naging sapat para ipanalo ang Miami na nalaglag sa 0-2 panalo-talong kartada.
Maaari na umanong makalaro si Adebayo ngayong araw, Game 3. Samantalang si Dragic, ayon sa team doctor, ay hindi na makalalaro sa buong final series.
Para sa kolumnistang ito, bukod sa pamatay na tambalang Lebron-Davis ng Lakers at injury sa ilang mga manlalaro ng Heat, marami pang problema ang naghihintay kay coach Spo.
Una, gusto ng Lakers na makatabla sa karibal nilang Boston Celtics sa paramihan ng NBA championships. Nakaka-17 kampeonato na ang Celtics mula noong 1957. Isa na lamang ang kailangan ng L.A. para mapantayan ito.
At sapagkat ito ang kauna-unahang Finals appearance ng mga bata ni coach Frang Vogel mula noong panahon nina Kobe Bryant at Shaquill O’Neal noong 2010, hindi na nila ito papayagang makawala pa ngayong 2020 season.
Ang 34-puntos na nagawa ni Davis sa Game 1 ay pangatlo na sa mga Lakers na nakagawa ng 40 puntos o mahigit pa sa Finals, at ito ay isang karagdagang motibasyon para sa center-forward na si
Davis na habulin o mapantayan.
Si Shaq ang nangunguna sa kategoryang ito (43 puntos noong 2000) na sumira sa dating 42-puntos ng maalamat na si George Mikan (1949).
Idagdag pa dito ang hinahabol ni LeBron na 30 triple-doubles ng Boss niyang si Magic Johnson sa playoffs, na isa pang problema ni coach Spo at ng Heat na target makaiskor kahit isang panalo lang sa serye. Sa ngayon ay pumapangalawa kay Johnson si James sa kanyang 27. Ngunit nangunguna naman si Bron sa listahan ng NBA Finals triple-double (10) habang pangalawa si Magic (8).
123
