PINASIMULAN ng Department of Transportation nuon pang 2017 ang programa upang mapaunlad ang transportasyon o tinatawag na Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP).
Layunin ng programang PUVMP na mas maging maayos. ligtas at environment friendly ang transportasyon. Kung kaya kanilang napagdesisyunan na tanggalin o i-phase out ang aabot sa 220,00 PUJ na may 15 taon ng ginagamit at palitan ito ng mga electronic o solar powered na mga sasakyan.
Kabilang sa maaring matanggal ay ang mga PUJ na pinag-ipunan bilhin ng mga OFW para sa kanilang mga magulang o pamilya.
Kamakailan ay aking inilathala ang aking saloobin sa pag-phase out o pagtanggal sa kalsada ng mga nakagawian na PUJ. Naikwento ko na kutsero ng kalesa ang tatay ko bago nakabili ng sarili
niyang AC Jeepney (Automatic Caritela ang dating tawag sa PUJ) na may byaheng PRC-Buendia sa Makati at Pasay.
Simula nung ako ay grade 6 hanggang umabot sa 3rd year high school naging obligasyon ko na tuwing alas 8:00 ng umaga sakay ng aking bisikleta ay naka-tambay na ako sa kanto ng Buendia at Filmore sa Makati para abangan ang tatay ko na mag-aabot naman ng pera mula sa unang kita sa byahe para pambili ng ulam sa palengke ng Pasay para sa aming pananghalian. Kaya damang-dama ko ang hirap na pinagdaraanan ng pamilya ng jeepney driver.
Nagulat ako at maraming OFW ang naka-relate nuong nilathala ko ito sa social media. Marami akong natanggap na inbox messages at nagpa-abot ng kanilang pangamba sa pagpapatuloy ng phase out.
Marami nga sa aking natanggap na mensahe ay nagsabi na ang kanilang kinita sa ibang bansa ay kanilang ipinambili ng PUJ para may maging hanap-buhay ang kanilang pamilya. Isa pa nga rito
ay bumili ng PUJ bilang paghahanda sa kanyang pag-uwi dahil hindi nya sukat akalain na magiging pursigido ang gobyerno para tuluyang i-phase out ang mga PUJ sa lansangan.
At dahil ang pag-phase out ay kasabay pa ng tanggalan ng trabaho sa ibang bansa kaya tuluyan ng gumuguho ang mga pangarap ng ilang mga OFW.
Hindi naman ako tutol sa pagbabago at pagmo-modernize ng ating public transportation, subalit dapat din sigurong ikonsidera ng DOTr na hayaan ang mga luma ngunit maayos, ligtas at
episyenteng PUJ na magbiyahe sa mga bagong ruta upang hindi naman tuluyan na malusaw ang pinaghirapan ng ilang OFW.
Gayundin, dapat na ialok ng DOTr sa mga OFW ang mga paraan para makabili ng murang modernong PUJ at maisama ito sa kanilang reintegration program.
