ISANG OFW na nagtatrabaho bilang kasambahay sa Dammam, Saudi Arabia ang dumulog sa aming programa sa DWDD na Usapang Pangkapayapaan, Usapang Pangkaunlaran (UP UP Pilipinas) nitong Miyerkules kung saan isinumbong ang panloloko umano ng isang nagpakilalang travel agent na si ”Clarrise Guzman”.
Ayon kay Jocelyn Bahigting, pinayagan siya ng kanyang employer na makauwi sa Pilipinas dahil sa kanyang karamdaman.
Ngunit, ang tagubilin ng kanyang employer ay papayagan lamang ito kung makabibili ng murang tiket ng eroplano.
Dahil sa kanyang kagustuhang makauwi agad sa Pilipinas, naghanap siya sa social media ng mga travel agent na nag-aalok ng murang presyo ng tiket.
Natagpuan ni Jocelyn sa Facebook ang Diamond Travel Agency at kanyang nakausap ang nagpakilalang Clarrise Guzman.
Agad nagpadala ng P45,000 ang kanyang employer sa account ni Clarisse.
Inakala ni Jocelyn na nakajackpot siya sa kanyang nakuhang P45,000 na halaga ng tiket.
Ngunit, nang mabayaran si Clarrise sa kanilang napagkasunduang presyo ay nagsabi lamang ito na agad niyang ipapadala ang tiket. Ngunit, imbes na makatanggap ng tiket si Jocelyn mula kay Clarrise ay biglang naglaho ang huli sa social media at tuluyan siyang “bin-lock” nito sa kanyang Facebook, kaya hindi na nakausap ni Jocelyn si Clarrise.
Kinalaunan, nadiskubre niya na maging ang kanyang mga kaibigang OFW din ay nabiktima rin ng nasabing Clarrise sa parehong estilo.
Sinubukan ng AKOOFW na tawagan ang numero ng teleponong ibinigay ni Clarrise, ngunit ito ay hindi makontak dahil naka-off ang telepono.
Sinubukan ng AKOOFW na alamin sa social media ang iba pang naging biktima ni Clarrise kung saan natagpuan natin na bukod kay Jocelyn ay may iba pang mga naloko ang nasabing Clarisse T. Guzman.
Isa rito ay isang may-ari ng Facebook account na “Bebe Ko” na nagpakita ng resibo ng ibinayad sa tiket ng eroplano para sa kanyang bayaw, ngunit hindi rin tinupad ni Clarrise.
Dahil sa pagtaas ng presyo ng pamasahe sa eroplano mula sa Saudi Arabia patungong Pilipinas, maraming mga OFW ang nakikipagsapalarang makakuha ng murang presyo ng tiket, ngunit naglipana naman ang maraming mapagsamantalang nambibiktima ng mga pobreng OFW.
Magsilbing babala sana ito sa lahat ng mga OFW na makipag-uganyan lamang sa mga lehitimong travel agency at hindi sa mga nakikita sa social media.
***
KUNG mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa akin sa e-mail address: saksi.ngayon@gmail.com, o drchieumandap@yahoo.com.
