OFW NIRAPE AT INABANDONA SA BASURAHAN SA RIYADH

MARAHIL ay dahil sa aking pagkakalathala sa panawagan sa hustisya para kay Jasmine Corro Remetria kung kaya biglang bumuhos ang mga liham na ipinadala sa aking email address at pati na rin sa email ng aming editorial office sa Saksi Ngayon.

Magugunita na nitong nakaraang Miyerkoles ay nanawagan ako para mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ni OFW Jasmin Corro Remetria na isang OFW sa Riyadh, Saudi Arabia.

Bago siya namatay ay nagawa pa niyang magsumbong at manawagan na siya ay ma-rescue mula sa kanyang malupit na amo, ngunit tila ito ay ipinagkibit balikat lamang ng kanyang ahensya kaya ilang araw ang nakalipas ay nabalitaan na lamang na siya ay patay na.

Naiuwi na ang kanyang bangkay sa Pilipinas nuong Agosto 16 at inilibing sa kanilang bayan sa Cagayan De Oro nitong nakaraang Agosto 23,2020.

Agad naman tumugon sa a king panawagan si Administrator Bernard Olalia ng Philippine Overseas Employment Adminstration (POEA) at nangako ito na kanyang ipapatawag sa pre-board meeting ng POEA Governing board ang Skyhigh Agency upang pagpaliwanagin sa kaso ng pagkamatay ni OFW Jasmine Remetrio.

Gayundin, agad na nagpadala ng mensahe sa akin si Administrator Hans Cacdac upang ipaabot ang kanyang pagsuporta sa panawagan sa hustisya at nangako rin ito na kanyang tutulungan ang pamilya Remetrio na mabilis na maiproseso ang death benefits at scholarship.

Umaasa ang AKO OFW sa patas na pagiimbestiga at pagkakaroon ng katarungan sa pagkamatay ni OFW Jasmine Corro Remetrio.

Samantala, isang liham na ipinadala sa saksi.ngayon@gmail.com ang aking natanggap. Dito ay nakasaad ang masaklap na sinapit ng isang kabayani na itago na lamang sa pangalan na “OFW Angel”.

Si “OFW Angel” ay mula sa probinsiya ng Pangasinan at nakarating sa Riyadh Saudi Arabia sa pamamagitan ng Bionic Manpower Services Inc.

Narito ang eksaktong pagkakasulat ng kanyang sumbong. “sinasaktan ako at ikinulong sa cr.. kinuha lahat gamit ko at mga sahod ko.. pinakahuli iniwan ako ng amo ko sa d ko malaman n lugar.

Narape aq ng 3 lalake at iniwan lng aq s basurahan. nagikot- ikot lng b aq at nagmamalimos ay saka aq nakita ni sir baseem. Nsa agency n q now nkita nila aq nagmamalimos s villago mall”.

Hindi ko mapigilan ang pagmumura nung aking nabasa ang liham na ito ni “OFW Angel”. Mantakin mo na gahasain ng tatlong lalake at abandunahin na lamang sa isang lugar na malapit sa basurahan sa gitna ng mainit na panahon.

Bagaman si “OFW Angel” ay nasa pangangalaga na ng kanyang ahensya sa Saudi Arabia na Mohannad Recruitment Agency, ay dapat na masiguro ng ating embahada na siya ay mabibigyan ng Legal Assistance at masiguro na ang pangyayaring ito ay maayos na maimbestigahan.

Kailangan na mapanagot ang tatlong lalaki na gumahasa sa kanya lalo na ang kanyang employer na nag-abandona sa kanya na pinangalanan niyang si “Dafer”.

Ang Ako OFW ay nanawagan kay Labor Attache Nasser Mustafa na agad na ipatawag ang Mohannad Agency at ang employer upang pagpaliwanagin at papanagutin sa masaklap na sinapit ni OFW

Angel. Gayundin kay Ambassador Adnan Alonto para mabigyan si “OFW Angel “ng ayudang legal para mapanagot ang mga may sala.

oOo

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa akin sa e-mail address saksi.ngayon@gmail.com o drchieumandap@yahoo.com o tumawag sa  (02)84254256.

284

Related posts

Leave a Comment