OFW SA KUWAIT, GINUGUTOM NG AMO

AKO OFW Ni DR CHIE LEAGUE UMANDAP

PALIHIM na ipinaabot ng isang OFW ang kanyang sumbong sa pamamagitan ng isang kapwa OFW na kanyang nakasabay sa ospital sa Kuwait habang ito ay nagpapakonsulta sa doktor.

Ayon sa sumbong na ipinarating ni OFW Cindy Gallardo, siya ay namamasukan bilang kasambahay sa isang tahanan sa Jaber Ali, sa bansang Kuwait. Halos isang buwan pa lamang siya sa kanyang amo, pero sa simula pa lamang ay naranasan na n’ya ang hindi magandang pagtrato ng kanyang amo.

Kung dati ay nababasa lamang nito sa social media ang sinasapit ng mga OFW, ­ngayon ay personal na niya itong nararanasan. Ang kanyang tinutukoy ay ang kanyang pagkagutom dahil umano isang beses lamang siya binibigyan ng pagkain ng kanyang amo. Dagdag pa nito, ang refrigerator at iba pang taguan ng pagkain ay naka-lock at mabubuksan lamang kung ang kanyang amo na mismo ang magbubukas.

Ipinagbabawal din ng kanyang amo ang paggamit ng cellular phone kung kaya hindi niya maiparating sa kanyang ahensya ang kanyang sinasapit. Isang beses ay nagkaroon siya ng pagkakataon na makapagpadala ng mensahe sa kanyang ahensya at kanyang isinumbong ang nararanasan, ngunit hindi man lamang sumagot ang kanyang ahensya na kanyang pinangalanan bilang Mayon International Trading Corporation.

Bukod pa rito ay isinumbong din ni OFW Cindy na “Hanggang ala-1:00 o alas-2:00 ng madaling araw po natatapos ang trabaho ko. ­Gigising po ako ng 5:00 ng umaga. Tapos po bawal po ako mag-cp, sa CR lang po ako nakakahawak ng cp.

At meron pong CCTV ang kwarto ko po”.

“Yung nalinisan ko na po ay pinapaulit pa po ipalinis sa akin. Sobrang nahihirapan na po ako, sana po matulungan n’yo po ako… nagmamakaawa po ako sa inyo. ‘Yung agency ko po hanggang ngayon ay wala pa din pong action. Isang utang na loob ko po sa inyo pag natulungan po ako makaalis dito po.”

Ang AKO-OFW ay nanawagan sa kanyang ahensya na MAYON INTERNATIONAL na kung maaari ay kausapin nito ang kasalukuyang employer o kaya ay ilipat ito sa ibang employer, ayon sa kahilingan at kagustuhan ni OFW Cindy. Ibig naman nitong tapusin ang kanyang kontrata dangan nga lamang ay masyadong malupit at maramot ang kanyang na­puntahan na employer.

***

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa akin sa email address saksi.­ngayon@gmail.com o drchieumandap@yahoo.com.

231

Related posts

Leave a Comment