OFW JUAN ni DR. CHIE LEAGUE UMANDAP
NANANAWAGAN ng agarang tulong ang isang Overseas Filipino Worker (OFW) na si Diana Rose Macabuhay, 28-anyos, kasalukuyang nagtatrabaho bilang domestic helper sa Riyadh, Saudi Arabia, matapos makaranas ng seryosong problema sa kalusugan habang nasa poder ng kanyang employer.
Ayon sa sumbong na ipinadala sa OFW JUAN, si Macabuhay ay dumating sa Saudi Arabia noong Pebrero 23, 2025. Siya ay na-deploy sa pamamagitan ng lokal na ahensyang Global Professional Resources Philippines Inc. at ipinadala sa foreign agency na Abdulwahed Recruitment Office.
Sa kanyang salaysay, ibinahagi ni Macabuhay na siya ay nakararanas ng matinding hirap sa paghinga, madalas na pagdurugo ng ilong, at matinding ubo na may makapal na plema na hindi niya mailabas. Ayon sa kanya, “Hindi ko na po kaya magtrabaho. Nahihirapan po akong huminga, at lagi pong nagdurugo ang aking ilong. Nahihirapan din po akong umubo nang maayos dahil parang may matigas na plema na hindi ko mailuwa.”
Dahil sa kanyang kalagayan, humihiling siya ng agarang repatriation upang makapagpagamot at makarekober sa piling ng kanyang pamilya sa Pilipinas. Ang kanyang itinalagang next of kin ay si John Bernard Phua na nakatira sa Pasig City.
Ang nasabing kaso ay kasalukuyang iniendorso para sa agarang aksyon ng mga kinauukulang ahensya upang matiyak ang kaligtasan at kapakanan ng OFW.
Patuloy naman ang panawagan ng OFW JUAN na tiyaking mabibigyan ng sapat na medikal na atensyon at agarang tulong si Macabuhay.
Ang sumbong na ito ay ating naipaabot sa Department of Migrant Workers at sa OWWA.
1
