NAKAUWI na sa Pilipinas ang isang overseas Filipino worker (OFW) na ginilitan sa leeg ng ina ng kanyang employer sa Saudi Arabia, ayon sa report ni Deputy Administrator Arnel Ignacio ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).
Batay sa impormasyon, dumating si Jinky Solitorio (minaltratong OFW) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA), nitong nakalipas na araw sakay ng Philippine Airlines flight 683 mula sa Dammam, Saudi Arabia.
Ayon sa salaysay ni Jinky, nangyari ang insidente noong Hulyo 17, 2022 makaraang sumpungin ang ang ina ng kanyang amo nang hindi maka-inom ng gamot.
Nagalit umano ang ginang kaya sinagot ng biktima na hindi siya pinapasuweldo ng kanyang employer, kaya kumuha ito ng bread knife at ginilitan sa leeg ang OFW.
Sa kasalukuyan, inaasikaso ng Philippine Embassy sa Saudi Arabia ang kaso at ipinasasagot ni Ignacio sa agency ang plane ticket ng OFW pauwi sa Pilipinas. (FROILAN MORALLOS)
