OFW sa Taif, Saudi Arabia humihingi ng tulong sa DMW

ISA na namang kababayan nating overseas Filipino worker (OFW) ang dumaranas ng matinding pang-aabuso sa kamay ng kanyang employer sa Saudi Arabia.

Kinilala ang biktima na si Divina Ganoot Perez, isang domestic worker na tatlong taon nang naninilbihan sa Alshafa, Taif. Ngunit sa halip na magandang oportunidad sa abroad ang kanyang matamasa, puro hirap at kalupitan ang kanyang sinapit.

Ayon sa salaysay ni Perez, hindi na siya pinasasahod, hindi pinauuwi, at kinuha na rin ng kanyang employer ang lahat ng kanyang personal na dokumento—kabilang ang kanyang passport. Lalo pang pinasama ang sitwasyon nang kunin ng employer ang lahat ng kanyang naipon sa loob ng tatlong taon at hindi siya binigyan kahit isang sentimo.

“Wala na po akong hawak—hindi pera, hindi passport, wala akong ligtas na lugar. Baka kung anong mangyari sa akin. Sa tuwing gusto kong umuwi o kunin ang aking cellphone, galit agad ang isasagot. Pati pagkain ay ipinagkakait,” pahayag ni Perez sa kanyang panawagan sa OFW JUAN.

Hindi lamang paglimita sa kalayaan at panggigipit sa kabuhayan ang kanyang dinaranas—may pagbabanta pa sa kanyang buhay. Ayon sa kanyang salaysay, ilang beses na siyang tinakot na papatayin kapag nagpumilit siyang makauwi.

Si Perez ay na-deploy sa ilalim ng Technilink Philippines Corporation, habang ang kanyang Foreign Recruitment Agency (FRA) ay Rokn Alaliyat Recruitment Office. Ngunit kapwa umanong sarado na ang dalawang ahensya, dahilan upang siya’y mawalan ng mapagkukunan ng tulong o responsableng ahensya na sasalo sa kanyang kaso.

Dahil dito, dumulog si Perez sa OFW JUAN, isang pandaigdigang alyansa para sa kapakanan ng mga OFW, upang humingi ng agarang tulong at mailigtas mula sa panganib.

Nananawagan ngayon ang OFW JUAN sa Department of Migrant Workers (DMW), Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), at sa Philippine Embassy sa Riyadh na mabilisang aksyunan ang kaso ni Divina Perez. Hindi na dapat hintayin pang may mas masahol pang mangyari bago umaksyon ang kinauukulan.

Ang kwento ni Divina Perez ay isa lamang sa napakarami nating kababayan sa abroad na patuloy na sinasamantala at inaabuso. Panahon na upang patunayan ng ating gobyerno na hindi nito kinalilimutan ang mga bayani ng bagong panahon.

132

Related posts

Leave a Comment