OFW SINAKTAN AT TINUTUKAN NG BARIL?

IPINARATING sa akin ng aking kaibigan at kasalukuyang Vice Chairman for Media Affairs ng AKOOFW na si Florante Rosales ang sumbong ng isang OFW mula sa Jeddah, Saudi Arabia na si Rezalyn Barotas.

Halos limang taon na itong namamasukan bilang kasambahay sa kanyang amo na si Abdul Aziz Al Jatawi.

Diumano ay sinaktan siya at tinutukan ng baril ng 20 anyos na anak ng kanyang employer at pinagbibintangan pa ng pagnanakaw.

Kalakip sa ipinadalang liham ay ang mga larawan na nagpapakita ng napakalaking galos sa kanang bahagi ng kanyang katawan at mga pasa sa magkabilang braso.

Ayon sa sumbong ni OFW Barotas, namatay na ang kanyang tunay na amo na nakakontrata sa kanya. At simula nang ito ay ­pumanaw ay malimit na siyang saktan ng asawa nito maging ng kaniyang anak.

Dumating na umano sa punto na hindi lamang pananakit kundi pati na rin pananakot ay kanya ng nararanasan at ang pinakahuli nga ay tinutukan pa sya diumano ng baril ng anak ng kanyang amo.

Agad ko itong ipinarating sa masipag na OWWA Welfare Officer na si Yolanda Penaranda na agad namang inalam ang tunay na pangyayari at ang sitawasyon ng ating kabayani.

Sa inisyal na report na aking natangap mula kay Welfare Officer Penaranda ay ibinalita niya sa akin na agad niyang natawagan ang anak ng employer na isa palang doctor.

Ayon sa anak ng ­employer na si Dr. Saraj, ay anim (6) na mobile phone ang nawawala sa kanilang tahanan at sa tulong ng driver na Bangladeshi ang lahat ng ito ay natagpuan sa sanglaan.

Kasama rin sa nawawala ay ang gold bracelet ng kanyang ina na nagkakahalaga ng 4,500 Saudi riyals na diumano ay napagalaman na ibinenta ng kasambahay sa kanyang kaibigan.

Natagpuan din diumano ng pamilya ng employer ang mga sexy video na kuha sa loob ng kanilang tahanan kasama ang ­driver ng kanilang kapitbahay. Mariin din pinabulaanan ni Dr. Saraj ang pagkakaroon ng baril sa kanilang tahanan dahil mahigpit itong ipinagbabawal sa Saudi Arabia.

Ang AKOOFW ay nakipag-ugnayan pa rin kay Welfare Officer Penaranda na siguruhin ang kaligtasan ni OFW Barotas. Ngunit magsilbing aral sana ito sa ating mga kabayani.

Bagaman hindi pa natin nasisiguro kung sino ang tunay na nagsasabi ng katotohanan, ngunit kung totoo na ito ay may video at nagpapatunay na nagpapapasok pa ito ng ibang lalaki sa tahanan, ay mas malamang na siya pa ang makasuhan at ­makulong. Ang pagnanakaw ng anumang kasangkapan ay isang napakalaking kasalanan. Lagi nating alalahanin na walang kasalanan ang hindi mabubunyag.

oOo

Huli man daw at magaling ay maihahabol pa rin. Nitong nakaraan Huwebes at Biyernes ay nagtungo ang buong tropa ng AKOOFW Community Anti Crime Group (CACG) sa lalawigan ng Isabela upang maghatid ng ­pamasko para sa mga nasalanta ng Bagyong ­Ulysses.

Umabot sa halos 800 pamilya mula sa barangay Catalina at First District sa Cauayan Isabela at Barangay Baligatan sa Ilagan, Isabela ang nabiyayaan ng mga pamasko na naglalaman ng spagheti pasta at sauce, meatloaf, karne norte at tinapay.

Bukod pa rito ang mga pamaskong handog na ipinadala ng AKOOFW sa Tuguegarao at sa Cabuyao at Sta. Rosa Laguna.

Ang naturang proyekto ay naisakatuparan sa tulong ng iba’t-ibang samahan mula sa Bansang Japan, at ng Sharing Bread Foundation mula sa France.

185

Related posts

Leave a Comment