KAKAIBA ang kaso na ipinarating sa AKOOFW ng ating OFW na si Ludivina Montalbo. Sa kanyang sumbong na ipinadaan kay volunteer advocate Malou Cabotage ay nakikiusap ito na siya ay matulungan na makauwi na sa Pilipinas dahil sa kanyang mga pinagdaraanan pang-aabuso ng kanyang amo.
Bagaman si Ludivina ay nakaranas nang pang-aabuso ay mas pinipili pa rin niya na siya ay matulungan na lamang na makahanap ng ibang amo o employer.
Ito ang naglalarawan kung bakit ang mga OFW ay maituturing mo talaga na isang buhay na bayani. Katulad ni Ludivina, ay titiisin niya ang ano mang pagmamalupit para lamang masuportahan ang kanyang pamilya.
Ayon sa sumbong at kahilingan ni Ludivina, sinabi nito:
“Mapagpalang araw po. Ako po ay humihingi ng tulong upang ako’y makaalis dito sa aking kasalukuyang amo.
Ako po ay dumating sa kaharian noong Pebrero 14, 2018. Sa una ko pong amo, 3 yrs. and 5 mos., wala naman po akong naging problema doon kasi sa kadahilanang wala na siyang pampasahod sa akin dahil nagsara na ang kanyang negosyo kaya pinapili niya ako kung uuwi ako or hindi.
Dahil po sa kahirapan ng buhay at wala naman po akong ipon, minabuti ko pong magtrabaho at magpalit ng amo. Nahanapan po ako ng bagong amo noong June 3, 2021. Pero hindi po ako dinala sa dati kong agency. Dinala po ako sa JAMILA OFFICE.
Mabait po ang amo kong lalaki pero etong babae ang nanakit po sa akin. Nagkamali lang po ako sa aking nilabhang damit kasi napaghalo ko ang puti at de-color noong nag-spin ako. Nakita niya po. Hindi naman po nasira at humingi naman po ako ng sorry. Pero pinagkakalmot, sinabunutan, hinila-hila at sinabunutan po ako ng amo kung babae.
Nakita po ng amo kong lalaki ang ginawa sa akin, inawat niya po ang kanyang asawa at nag-away na po sila. Nakiusap ang amo kong lalaki na siya bahala sa akin pero hindi po ako kampante dahil sa araw ding yun umalis na ang amo kong lalaki. Natatakot po ako na hindi lang po ‘yun ang aking mararanasan sa kamay ng amo kong babae.
Kaya nagmamakaawa po ako na matulungang makaalis dito at nakikiusap ako sa aking agency na ilipat na lang po ako sa ibang amo. Gusto ko pa rin pong magtrabaho dahil sa hirap ng buhay sa Pilipinas. Maraming maraming salamat po.”
Ang AKOOFW ay labis na nakikiusap sa kanyang ahensya na Happy World Human Resources na kung maaari ay tulungan si Ludivina sa kanyang kasalukuyang sitwasyon. Nawa ay alamin nila ang maaaring suporta o tulong na maibibigay kay Ludivina. Ang tanging hangarin lamang ni Ludivina ay makapagtrabaho at masuportahan ang kanyang pamilya.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa akin sa email address saksi.ngayon@gmail.com o drchieumandap@yahoo.com.
171 