OFW VILLAGE PANGARAP NG MGA OFW

LAGING tagubilin ng ­aking yumaong ama na hindi masama ang mangarap. Dahil ang mga ­munting pangarap ay maaring ­gawing isang inspirasyon.

Naalala ko tuloy noong katatapos ko lang maka-­graduate sa aking kurso at ­naging dentista, ay agad akong nangarap na magkaroon ng sariling bahay at klinika, kaya ang aking ginawa ay nagpaguhit ako sa isang kaibigang arkitekto ng isang bahay na may klinika. Ito ay aking idinikit sa wall na ­nakaharap sa akin sa tuwing ako ay nakahiga sa aking kama.

Sa paggising sa umaga ay ito ang agad kong nakikita, kaya sa tuwing oras na magsisimula akong magtrabaho ay nakikita ko sa aking isipan ang aking pangarap na tahanan. Kaya doble kayod ako sa trabaho dahil nakatanim sa aking utak ang aking ­minimithing munting pangarap.

Noong ako ay nakabili ng isang maliit na lote sa Laguna ay agad ko rin itong ipinaguhit sa arkitekto kahit pa ako ay wala pa naman budget para sa pagpapagawa nito. ­Ipinalagay ko ito sa frame at inilagay sa wall sa loob ng aking kwarto para lagi kong nakikita tuwing paggising sa umaga.

Ito ang dahilan kung bakit ako masyadong nagkuripot sa gastusin dahil lagi kong nakikita sa isip ko ang ­aking pinapangarap na maging tahanan na akin din naman napagtagumpayan.

Ganito ang aking ibig din ituro at ipakahulugan kung bakit lagi kong ibig banggitin ang pangarap sa ­pagkakaroon ng isang OFW Village.
Sa OFW Village ay pagsasama-samahin ang lahat ng naninirahan upang magkaisa, magsama-sama at magtitiwala sa isa’t-isa para makabuo ng isang komunidad na may mga negosyong pag-aari ng lahat ng naninirahan.

Hindi kinakailangan gumawa ng bagong subdivision para tawaging OFW Vill­age, ang tanging kailangan lamang ay magkaroon ng ­pag-uunawaan at pagkakaisa ang lahat ng mga OFW at pamilya ng OFW na magkaisa at mag-isip ng mga negosyo sa kanilang komunidad. Lahat ng mga ­naninirahan na pamilya ng OFW at mga OFW at ­magiging isang ­organisasyon upang makakuha ng financial grant sa OWWA.

Pangarap natin na ang lahat ng komersiyo na ­kinakilangan sa loob ng komunidad ay maging pag-aari ng mga grupo ng OFW katulad ng mini-mart o grocery, ­laundry shop, medical & dental clinic, coffee shop, pharmacy, rice store at remittance center na maaring makuha ang puhunan mula sa OWWA Tulong Puso.

Layunin ng ating pangarap na ang lahat ng mga ­pamilyang OFW na naninirahan sa isang komunidad ay may pinaghahatian na kita mula sa lahat ng negosyo na pag aari nilang lahat.

Sa pamamagitan nito ay makakatulong ang mga pamilya ng OFW na makapag-impok para sa kanilang pangangailangan upang ang dapat sana na pamamalagi ng OFW sa ibang bansa ng limang taon, ay maari ng ­mabawasan ng dalawang taon dahil sa siya ay may katuwang na pamilya na kumikita para sa kanilang ­pang araw-araw na pangangailangan.

May isang OFW leader na tila ito ay pinagtatawanan at mistulang nag-uudyok pa ng kamalian sa kanyang post laban sa AKOOFW, ngunit ang AKOOFW ay mananatiling nangangarap para sa kapakanan ng mga OFW.

Walang masama na mangarap lalo na kung ito ay sasabayan ng pagkilos para makamit ang minimithi.

oOo

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa akin sa e-mail ­address saksi.ngayon@gmail.com o drchieumandap@yahoo.com.

139

Related posts

Leave a Comment