SAGAD na sa pagod ang mga tauhan ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) dahil sa pag-aasikaso sa pangangailangan ng 24,539 na mga OFW na kanilang tinutulungan simula nang maideklara ang enhanced community quarantine (ECQ) kabilang na ang halos 9,000 mga OFW na kasalukuyang stranded sa halos 110 na quarantine facilities o hotels sa Metro Manila at karatig lalawigan.
Kamakailan nga ay nagpalabas ng isang kalatas si OWWA Adiministartor Hans Leo Cacdac upang magpakumbaba at humingi ng paumanhin at pag-unawa sa mga OFW na naapektuhan ng kasalukuyang lockdown.
Ayon kay Administrator Cacdac, ang dahilan nang pagkaantala nang pag-uwi ng mga OFW sa kani-kanilang probinsiya ay isa lamang pagsunod sa panuntunan ng Inter Agency Task Force (IATF) Resolution Nos 26 at 29 at sa Department of Health Memorandum Order No. 0200-2020 na kung saan ay isinasaad na kailangang makakumpleto ng 14 days na mandatory quarantine at magnegatibo sa Rapid Test- PCR COVID-19 swab test ang isang OFW bago siya pahintulutang makauwi sa kanilang pamilya.
Ang labing apat na araw ay minimum na bilang ng araw na itinalaga ng DOH para sa mandatory quarantine upang obserbahan ang isang tao na maaring na-expose sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Idinagdag din ni Administrator Cacdac na batid ng OWWA na marami na ang mahigit o lagpas na sa 14 days ang inilagi sa quarantine facility at labis na ang pananabik sa kanilang mga pamilya at mahal sa buhay kung kaya ang OWWA ay mahigpit na nakikipag- ugnayan sa Philippine Coast Guard (PCG) na siya namang nangangasiwa sa paghahatid sa test centers ng mga OFW mula sa quarantine facilities.
Kamakailan ay may lumabas na isang video ng grupo ng mga OFW sa isang motel sa Pasay City na nagpahiwatig na kanilang pagkadismaya dahil sa kanilang pananatili sa mga hotel na binabayaran ng OWWA. Tila baga, ang pagkaantala ay sa kagustuhan ng OWWA na sila ay magtagal sa mga hotel samantalang kung tutuusin ay mas gusto na nga ng OWWA na sila ay makarating na sa kanilang mga sariling mga tahanan dahil sa totoo ay sa bawat araw ng kanilang paglalagi sa mga hotel ay kinakailangan magbayad ng OWWA ng P1,500 hangang P3,500 kada araw sa bawat kwarto na kanilang tinutuluyan kasama pa ang libreng pagkain sa araw-araw ng kanilang panunuluyan.
Ang hindi nakikita ng mga na-stranded na mga OFW ay ang mga patakaran na ipinalabas ng mga local government unit na kung saan ay ayaw nilang tanggapin ang kanilang mga kababayan na OFW kung hindi ito nakapag-rapid test sa Maynila.
Bago tuluyang payagang ng LGU na makauwi sa kani-kanilang probinsiya ang mga OFW ay kinakailangan nilang makakuha ng dalawang sertipikasyon. Una ang certificate mula sa OWWA na nagpapatunay na nakatapos na ito ng 14 days quarantine at ang ikalawa ay certificate mula sa Philippine Coast Guard na negatibo na ito sa RT-PCR test.
Sa panahon na ito ng COVID Crisis na ang halos lahat ng ahensya ng gobyerno ay nabigla at hindi ganap na nakapaghanda, dapat ding maging kalmado, mahinahon at maglaan pa ng higit na pang-unawa ang bawat isa. Hindi ito ang panahon na tayo ay magsisihan at magbangayan.
Gayunpaman, ang AKO OFW ay nanawagan sa lahat ng apektado ng lockdown na maging mahinahon at kalmado. Tangapin natin ang katotohan na walang ahensya ng gobyerno ang totoong nakapaghanda sa COVID crisis na ito, kaya walang puwang na tayo ay magsisisihan pa sa bayan ni Juan.
