OFWs SA SHANGHAI, TATANGGAP NG $200 AYUDA MULA SA DOLE

Aksyon OFW

MAGANDANG araw mga ka-Saksi at mga Kabayani!

Magandang balita na magbibigay ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng $200 na ayuda sa bawat overseas Filipino ­workers na apektado ng lockdown sa Shanghai, China.

Hinigpitan kasi nang todo ng mga awtoridad ang health protocols sa Shanghai bunga ng muling pagsirit ng mga kaso ng COVID-19 doon.

Giit ni Labor Secretary Silvestre Bello III, ang Department of Foreign Affairs ang tumukoy sa mga OFW na apektado ng lockdown.

Nakahanda naman ang DOLE na magbigay ng financial assistance sa mga OFW para makatulong sa kanilang gastusin habang naka-lockdown.

Bukod sa pinansyal na tulong, nagpadala rin aniya ang DOLE ng pagkain, medisina at iba pang pangangailangan ng mga apektadong OFW.

“Nagpapadala tayo ng pagkain, medisina sa kanila and as soon as ma-identify natin sila upon instruction of the DFA, we will give them the usual grant of $200 per OFW,” ayon kay Bello.

***

Kinumpirma ng Philippine Consulate General sa New York na nakumpleto na ang mailing election packets sa mga botante noong Sabado.

Umabot sa 39,048 ang land-based voters mula sa Connecticut, Delaware, Maine, Massachusetts, New Hampshire, New Jersey, New York, Pennsylvania, Rhode Island, at Vermont.

Maaari silang bumoto sa pamamagitan ng mail-in o postal sa ilalim ng automated election system.

Ang mga overseas voter na hindi nakatanggap ng balota sa huling bahagi ng linggo o April 30 ay maaaring mag-check sa listahan ng mga balota na isinoli sa consulate.

Ang mahigit sa 1.697 million Filipino voters sa abroad ay may dalawang linggo na lamang para bumoto sa iba’t ibang foreign service posts sa kanilang lugar.

Para sa inyong mga ­reklamo, suhestiyon at opinyon, magpadala lang sa dzrh21@gmail.com.

306

Related posts

Leave a Comment