ISA na namang malakihang oil price hike ang ipinatupad nito lang Martes, tumaas ng P6.55 kada litro ang diesel, P2.70 naman sa gasolina at P5.45 sa kerosene.
Ayon sa Department of Energy, ang patuloy na ban sa Russian oil imports at ang pagtaas ng demand sa mga bansang matatagpuan sa Northern Hemisphere dahil sa pagpasok ng summer season, ang dalawang pangunahing dahilan ng pagtaas ng presyo.
Pero hindi diyan nagtatapos ang kalbaryo natin dahil ayon sa DOE, maaaring masundan pa ang latest oil price hike dahil nag-anunsiyo ang Saudi Arabia na magtataas ito ng presyo ng kanilang ibinebentang krudo sa pandaigdigang merkado sa darating na Hulyo.
Hindi naman maiwasan na hindi mapag-usapan ang dating Pangulong Ferdinand E. Marcos dahil sa OPSF.
Ang OPSF o Oil Price Stabilization Fund ay itinatag ng dating pangulo noong dekada 70s upang maprotektahan ang ekonomiya ng bansa sa epekto ng krisis sa langis noong mga panahong iyon.
Simple lang ang mekanismo ng OPSF noon, sa bawat litro ng gasolina at krudo na ikinakarga ng mga motorista ay may bawas itong piso na napupunta sa pondo at kung sakaling tataas ang presyo ng krudo sa pandaigdigang merkado ay dito kumukuha ng pandagdag na pambili ang oil firms. Ipinatigil ng dating Pangulong Cory Aquino ang napakikinabangang proyekto na ito at tuluyang nawala na noong maging Pangulo si Fidel V. Ramos nang ipasa ang Oil Price Deregulation Act na kalaunan ay naging batas na.
Ang magandang balita ay sang-ayon si incoming President Bongbong Marcos Jr.
sa pagbuhay ng OPSF na pinasimulan ng kanyang ama.
Sa isang panayam noong Marso, bago ang halalan, sinabi ni Pangulong Marcos na ang muling pagtatatag ng OPSF ang solusyon sa problemang kinakaharap ng bansa sa walang habas na pagtaas ng presyo ng krudo.
Pero hindi siya pabor sa mga panawagan na ibasura ang excise tax na nakukuha ng gobyerno sa petrolyo dahil mawawalan daw ng P117 bilyon ang gobyerno kada taon kapag nangyari ito.
Sa mungkahi ni PBBM noon, sinabi nito na ang pondo ay manggagaling mismo sa mga kumpanya ng langis.
Ipinaliwanag nito na, “Ang gagawin ng stabilization fund, imbes na bigla na pagtaas, kukunin natin o kukuha tayo sa pondong iyon at kung may pagtaas man, hindi bigla kung hindi dahan-dahan ang pag-akyat. Nang sa gayon makapag-adjust ang ating negosyo at hindi masisira ang hanapbuhay, ang ating mga trabaho.” Sinabi ito ng pangulo sa harap ng barangay officials at mga manggagawa sa isang pagtitipon sa Parañaque noong kasagsagan ng kampanya nito lang Marso.
Nagkakaroon ng tinatawag na domino effect sa ekonomiya ang mataas na presyo ng petrolyo sa merkado.
Dahil hindi lang ang mga nasa transportasyon ang apektado, maging ang ibang sektor ng lipunan, ang presyo ng bilihin na nakadepende rin dito.
170 