OKAY KA BA SA DAGDAG PASAHE?

MARAMI ang matutuwa, siguro higit na bilang ang madidismaya at hindi mabibilang ang ­daraing. Ilan lang ‘yan sa senaryong masasaksihan kapag inilabas na ng Land Transportation ­Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang rate ng ­pagtaas ng pamasahe sa jeepney.

Tinitimbang ng LTFRB kung magkano sa ­petisyon na P3 hanggang P4 na dagdag na ­pamasahe, ang ipapataw sa mga komyuter, ayon kay LTFRB Chairperson Cheloy Velicaria-Garafil, na nagpahayag din na hiniling ng regulatory board sa mga grupo ng ­jeepney na maghain ng position paper o memorandum sa loob ng 15 araw mula nang ­huling makipagpulong ang mga ito sa regulatory board noong Agosto 18. Hanggang nitong (Setyembre 3) ang paghihintay sa ­memoramdum, pagkatapos ay inaasahang ­mangyayari ang resolusyon sa susunod na linggo.

Ang pagtaas ng pamasahe ay maaaring ­humantong sa epekto ng inflation sa ekonomiya.

Kung ipatutupad ang P15 o P16 na minimum sa pamasahe sa jeepney, ito ay malaking pasanin ng mga ordinaryong mamamayan, mga manggagawa na sumasahod ng minimum wage at mga nasa laylayan.

Ang mga jeepney driver at operator ay hindi rin ­ligtas sa bigat na epekto sapagkat ang mga ­miyembro ng kanilang pamilya ay sumasakay rin ng jeep, lalo ang mga estudyante na ilang beses sumakay sa isang araw patungo sa eskwelahan at pag-uwi ng bahay.

Ayon sa National Center for Commuter Safety and Protection, ang P15 hanggang P16 minimum fare ay “bitter pill” para sa mga commuter, lalo na’t dahil sa inflation ay tumaas ang presyo ng mga pangunahing bilihin.

Ano ang solusyon? Ang balanseng pagpapairal na isinasaalang-alang din ang kapakanan ng mga komyuter na dumadaing na sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

Alam ng mga komyuter ang epekto ng pagtaas ng gasolina at mga bilihin sa kalagayan ng mga driver kaya maaaring pabor sila sa fare hike, ngunit dapat ay balanse, resonable o hindi tataas sa P2.

Ayon sa National Center for Commuter Safety and Protection, suportado nila ang hakbang na itaas ang pamasahe, ngunit hiniling sa mga transport official na huwag ito itaas ng higit sa P2 upang maibsan ang pasanin ng mga commuter.

Ano man ang resulta, maghanda na ang mga commuter sa epekto nito.

May magagawa ring ibang paraan upang gumaan kahit bahagya ang bigat ng pamasahe. Magtipid o iwasang bumiyahe kung hindi kailangan. Maglakad kung malapit at pwedeng lakarin ang pupuntahan.

Hindi nga makakabili ng isang yunit ng jeep sa perang natipid at naitabi, ngunit mailalaan ito sa ibang pangangailangan.

426

Related posts

Leave a Comment