OKTUBRE NA, MAY NAKULONG NA BA?

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

HINDI na ata matatag ang ayuda nation.

Kasi naman, malamang nasa 7 milyong indibidwal ang hindi makatatanggap ng social welfare kung babawasan ang pondo para sa Assistance for Individuals in Crisis Situation (AICS).

Tapos walang inilaang pondo para sa Ayuda para sa Kapos ang Kita program (AKAP) sa panukalang 2026 budget ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Ayon kay DSWD Secretary Rex Gatchalian, ang binawas sa pondo para sa protective services ng DSWD sa ilalim ng 2026 National Expenditure Program (NEP) ay halos P50 bilyon.

Naku, mawawala na nga ang AKAP, bawas pa ang budget para sa AICS.

Badyet nga kaya hindi magandang pangitain. Tuloy, nasa krisis ang halos pitong milyong benepisyaryo.

Sabagay, malamang, sa hinala ko lang at mula sa naririnig na pagmamaktol, hindi naman lahat ng nakinabang at nakikinabang ng kagalingang panlipunan ay karapat-dapat na maambunan ng grasya ng bansang ayuda.

Kaya lang baka irekonsidera ng mga mambabatas ang natapyas na pondo para tuloy ang ligaya ng mga pinagpapala.

Pero, sana, maayos na ang implementasyon ng programang ayuda, at pairalin ang tamang alituntunin.

Huwag nang gawing rason ang kulang sa tao ang DSWD para matukoy kung sino-sino ang dapat abutan. Naku, hindi limos ‘yan kundi tulong, pero sa bandang huli ay ayuda talaga ang labas n’yan.

Sa mga tao namang nasa krisis, konting tiis pa rin dapat kahit kayo ay naAKAP at na-AICSyan.

Sa obserbasyon kasi ng ilan ay iba ang kasunod ng AKAP at AICS. Lagi raw nakadugtong ang toma at sugal, medyo pagarbo ng isang araw ang mga tambay sa barangay.

o0o

May patutunguhan ba ang mga imbestigasyon ng mga mambabatas hinggil sa flood control projects?

Hindi ba nasasayang ang pagdinig ng mga komite?

Nag-aalinlangan na ang ilan na walang tutumbuking direksyon ang mga imbestigasyon.

Paano nga magtitiwala na may mananagot kung ang ibang nag-iimbestiga ay hinihinalang may bahid din ng katiwalian?

Hangga’t walang nakukulong, at habang pinakakawalan ang mga inasunto ay hindi magwawakas ang senakulo ng korupsyon at ibang iregularidad na gawain ng mga nasa pamahalaan.

Resilient ang mga Pilipino. Ito ay gasgas na ring rason para maisalba ng ibang opisyal ang sarili sa pananagutan, at sa pag-uusig ng publiko.

Tahimik din ang karamihan sa nangyayari at mga isyu sa bansa.

Tahimik kaya aakalain na mahina. Hindi kumikilos dahil ayaw ng hustisya at kaya pang magtimpi.

Ngunit may hangganan ang pasensya, na kapag sinagad ay nagiging galit.

Huwag na sanang humantong ang galit sa silakbo ng rebolusyon.

Sabi nga ng mga netizen na abangerz sa kahihinatnan ng mga imbestigasyon, “October na, may nakulong na ba?”

4

Related posts

Leave a Comment