KUNG ang boksing ay mayroong Eumir Marcial na may pinakamataas na pagasa para mabigyan ang bansa ng Olympic medal sa darating na XXXIII Games sa Hulyo hanggang Agosto, pwedeng idagdag si pole vaulter Ernest John Obiena sa listahan ng mga posibleng makapaguwi ng inaasam na ginto mula sa Tokyo.
Katunayan, kung paniniwalaan si Philippine Athletics Track and Field Association (PATAFA) president Philip Ella Juico, hindi lamang basta Olympic medal ang kayang bitbitin ng 25-anyos na si Obiena sa pagbabalik niya sa Pilipinas mula Tokyo.
“Kahit ang halos 100 taon nating inaasam na kauna-unahang gintong medalya galing Olimpiyada, kayang madagit ni EJ,” deklara ni G. Juico sa nakaraang Philippine Sportswriters Association session.
“Our target for EJ is a podium finish, preferably gold,” sabi ni Doc Popoy sa online PSA forum noong Martes. “But we don’t want to put pressure on him, though.”
Ayon sa PATAFA top honcho, tamang daan ang tinatahak ni Obiena tungo sa kanyang target, base sa kanyang mga nakaraang kompetisyon na nilahukan sa Europa sa loob ng nakalipas na dalawang buwan.
Noong nakaraang linggo lamang ay sinira ni EJ ang kanyang pambansang rekord nang talunin ang 5.86 metro para mabingwit ang medalyang pilak sa Orlen Indoor Cup sa Poland.
Nauna rito, nakopo niya ang dalawang medalyang ginto sa kambal na kompetisyong sinalihan sa Berlin.
Nito lamang Huwebes (Manila time), nakamit ng anak nina dating national pole vaulter Emerson at hurdler Jeanette Obiene ang tansong medalya sa 2021 Copernicus Cup sa Torun, Poland.
Pang-apat na podium finish ito ni EJ ngayong taon lamang. At kung matutuloy ang listahan ng kompetisyong inihanda ng kanyang Ukranian coach na si Vitaly Petrov, hindi malayong makuha ng ating ipinagmamalaking pole vaulter ang Olympic gold medal sa Tokyo.
Medyo nahirapan si EJ sa Copernicus Cup na ilang beses nagtangka bago natalon ang 5.60 at 5.72 metro, ayon sa pagkakasunod.
May tsansa sana siyang maibulsa ang gold laban sa naghaharing two-time world champion na si Sam Kendricks at local boy Piotr Lisek, kung naabot ang 5.87 metro.
Nakuha ni Kendricks ang ginto matapos mapantayan ang 5.80 metrong marka sa isang pagtatangka, habang nakatatlong subok sina Obiena at Lisek.
Bukod kay EJ, nananalig din si Doc Popoy sa mga Fil-Am niyang alaga na sina sprinters Kristina Knott at Eric Cray, na magtatangka pa lang makarating sa Tokyo.
“For KK (Knot) and Cray, the target is to get to the finals (if they’ll make it to Tokyo) and from there anything can happen,” ani Juico.
Sa mga oras na ito, dalawa pa lamang atletang Pilipino ang may tiket na patungong Japan bukod kina Marcial at Obiena. Sila ay sina female boxer Irish Magno at gymnast Carlos Yulo.
Sa pinakabagong ulat, sina Marcial na kasalukuyang nasa Amerika, at Obiena ang lumalabas na may pinakamakislap na pagasa sa medalya.
Si Yulo, ang pandaigdig na kampeon sa floor exercise ay kasalukuyang nasa Tokyo at doon nag-eensayo.
Si Magno ay nitong Enero pa lamang nagsimulang maghanda matapos bigong mabigyan ng training venue ng Association of Boxing Alliances of the Philippines (ABAP) at ng Philippine Sports Commission (PSC) mula noong mag-qualify noong Marso, sa kasagsagan ng lockdown dulot ng COVID-19 pandemic.
