OLYMPICS GOLD AT WORLD TITLE, TARGET NI EUMIR MARCIAL

BUONG pagmamalaking dadalhin ng boksingerong si Eumir Marcial ang bandila ng bansa sa pangalawang laban niya sa Amerika bilang pro sa ika-9 ng Abril, Araw ng Kagitingan.

Isang taga-Atlantic City sa katauhan ni Isaiah Hart ang makakalaban ng Tokyo Olympic Games bronze medalist na si Marcial, ayon kay Sean Gibbons, pangulo ng MP Promotions ni eight-division world champion Manny Pacquiao.

Gamit ang kanyang bilis at lakas ng suntok, matagumpay na sinimulan ng 26-anyos na tubong Zamboanga ang kanyang pro boxing campaign nang talunin ang isa ring ­Amerikano na si Andrew Whitfield sa pamamagitan ng 40-36 shutout noong Disyembre 16, 2020 sa ­Exposition Center sa Los Angeles, California. Ang Hall of Fame trainer na si Freddie Roach, humubog kay Pacquiao tungo sa pagiging isa sa pinakamagagaling sa world boxing ­history, at kanyang Pilipinong assistant na si Marvin Somodio ang nasa corner ni Marcial sa naturang debut fight.

Para sa kaliweteng Pinoy middleweight, sa kabila ng kanyang desisyon na maging professional ­boxer at maging world champion, hindi pa siya tapos sa amateur boxing hanggang hindi niya nakukuha ang kanyang pinakamimithi.

Matatandaang nakapag­uwi siya ng bronze ­medal mula sa nakalipas na Tokyo Games. Ngunit umaasa si Marcial na sa XXXIII Paris Olympics, na eksaktong ika-100 ­anibersaryo ng pag­lahok ng Pilipinas sa quadrennial meet, makukuha na niya ang goal niya – Olympics gold.

Si Ceferino Garcia pa lamang ang kaisa-isang Pilipinong middleweight na naghari sa mundo. ­Naging world champion siya sa 160 libra noong 1939 at kinilala sa kanyang ‘bolo punch’, bago ipinagbawal ang nasabing estilo.

Bago tuluyang magretiro, si Garcia ay nakaipon ng 102 panalo laban sa 21 talo. Kinilala bilang isa sa ­pinakamalakas manuntok sa kanyang panahon, ang kanyang winning record ang ­itinuturing na pinakamarami sa ­Philippine boxing. (EDDIE ALINEA)

94

Related posts

Leave a Comment