Ombudsman hindi natinag SC PETITION NI ZALDY CO TINAWAG NA DILATORY TACTICS

HINDI magpapatinag ang Office of the Ombudsman sa petisyong inihain ni dating Ako Bicol Party-list Representative Zaldy Co sa Korte Suprema.

Ayon kay Assistant Ombudsman Mico Clavano, hindi sila magpapaapekto sa tinawag niyang “dilatory tactics” ng kampo ng dating mambabatas na layong pabagalin ang imbestigasyon kaugnay ng mga kasong korupsyon.

Kamakailan ay naghain ng petisyon si Co sa Korte Suprema upang humiling ng Temporary Restraining Order o TRO laban sa implementasyon ng resolusyon ng Ombudsman. Kaugnay ito ng mga kasong graft at malversation na inirekomendang isampa sa Sandiganbayan.

Giit ni Co, nilabag umano ang kanyang karapatan sa due process dahil hindi siya nabigyan ng pagkakataong makapaghain ng kontra-salaysay.

Sa kabila nito, nanindigan ang Office of the Ombudsman na hindi sila padadala sa mga hakbang na layong antalahin ang imbestigasyon. Ayon pa kay Clavano, mananatiling nakatuon ang ahensya sa pagsusulong ng mga imbestigasyon laban sa katiwalian.

(JULIET PACOT)

30

Related posts

Leave a Comment