NAPAKATALAMAK ng katiwalian, korapsyon at pandarambong ng maraming opisyal ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan na ilang ulit nang idiniin ni Pangulong Rodrigo na hangad niyang masugpo.
Sa adyendang ito ni Duterte, malaki ang papel ng Office of the Ombudsman upang makarating sa Sandiganbayan ang mga kaso hinggil sa kahit anong porma ng katiwalian, korapsyon at pandarambong ng sinumang kawani at opisyal ng iba’t ibang yunit ng pamahalaan.
Ang Office of the Ombudsman ang itinatag upang magsagawa ng imbestigasyon laban sa mga opisyal at kawani ng pamahalaan na inireklamo sa naturang ahensiya.
Halimbawa, nagsampa ang Department of Justice (DOJ) laban sa ilang opisyal ng Bureau of Immigration (BI) dahil sa pagtanggap ng mga ito ng suhol mula sa mga dayuhan.
Iimbestigahan ito ng Ombudsman upang maisampa nito ang kasong kriminal sa Sandiganbayan.
Magsasagawa ng paglilitis ang Sandiganbayan upang mapatunayan nitong nagawa nga ng kinasuhang mga opisyal ang mga kasong isinampa laban sa kanila.
Kailangang patunayan ng Ombudsman na totoong nakagawa ng mga krimen ang kinasuhan nito.
Kung walang isinampang kaso ang DOJ laban sa mga opisyal ng pamahalaan dahil hindi ito nagsagawa ng imbestigasyon ay maaaring mag-inisyatiba at maglunsad ng sariling imbestigasyon ang Office of the Ombudsman.
Maaaring umaksyon ito batay sa ulat ng Commission on Audit (COA), o humalaw ito sa mga ibinubunyag ng mga senador.
Si Samuel Martires ay nagsimulang maging Ombudsman noong Agosto 6,2018.
Mula sa petsang ito, ang nabalitaan ko pa lang mula sa Office of the Ombudsman ay ang suspensiyon sa 27 opisyal ng Bureau of Corrections (BuCor) dahil sa maanomalyang implementasyon ng Good Conduct Time Allowance (GCTA) Law.
Hindi rito kasama si Nicanor Faeldon na siyang hepe ng BuCor sa panahong iyan.
Tinanggal siya ni Duterte noong mainit ang isyu sa katiwalian sa GCTA Law.
Ang isa pang naibalita sa media ay ang anim na buwang suspensiyon ng labingtatlong opisyal ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth), sa pangunguna nina Dennis Mas, Senior Vice President (SVP) para sa Management Services Sector, Israel Pargas, SVP para sa health finance and policy sector, Shirley Domingo, Vice President para sa Corporate Affairs Group at Rodolfo Del Rosario, hepe ng legal division.
Ngunit, lumang kaso ito.
Ang desisyon ni Martires ay walang kinalaman sa mga bagong kaso ng korapsyon at pandarambong na iniimbestigahan ng Task Force PhilHealth laban kay Ricardo Morales at iba pa.
Ang isa pang nabalitaan ko ay ang anim na buwang suspensiyon sa 89 punong barangay dahil sa korapsyong ginawa nito sa Social Amelioration Program (SAP).
Wala pang desisyon si Martires laban sa 46 “narco – politicians” na kinasuhan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa Office of the Ombudsman noong Marso, 2019.
Kaya, hanggang ngayon ay namamayagpag pa ang 46 na mga politikong ito, kabilang na ang tatlong kongresista.
Hindi pa kasama riyan ang mga ulat ng COA na kuwestyonable at mayroong elemento ng katiwalian ang paglalabas ng pondo ng maraming ahensiya ng pamahalaan, tulad ng BI at Presidential Communications Operations Office (PCOO).
Kahit walang nagsampa ng mga kasong kriminal laban sa BI at PCOO, uulitin ko, gawain, tungkulin at obligasyon ng Office of the Ombudsman na maglunsad ng sariling imbestigasyon laban sa mga nasabing ahensiya, gamit ang ulat ng COA bilang panimulang batayan sa mas malalim at malawak na imbestigasyon.
Ginawa na ito ni Martires noong Disyembre, 2019 laban sa mga opisyal ng Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (PHISGOC), kasama ang tagapangulo nitong si Speaker Alan Peter Cayetano.
Kaya, hindi pwedeng balewalain ni Martires ang mga kuwestyonableng paggamit ng pondo ng BI at PCOO.
Ang paniwala ko, hindi nag-aksaya ng oras, panahon, mga ideya at pera ang mga taong bumuo ng Saligang Batas sa pagtatayo ng COA upang magkaroon lamang ng trabaho ang mga Filipino na mayroong kaalaman sa awditing.
Naniniwala rin ako na hindi palamuti ang resulta ng imbestigation ng COA.
Nagkaroon ng COA upang magkaroon ang pamahalaan ng ‘malayang’ ahesiya na mag-aawdit at mag-iimbestiga sa paggasta ng mga ahensiya ng pamahalaan sa lahat ng pondong inilaan sa kanila ng Department of Budget and Management (DBM).
Kaya, kung nabibilang lamang sa iilang daliri ang iimbestigahan at sasampahan ng mga kaso ng Office of the Ombudsman, sa ilalim ng liderato ni Samuel Martires, sa Sandiganbayan ay pinatutunayan nitong inutil ang nasabing ahensiya ng pamahalaan.
Ang sabi ni Martires, kung inutil at wala nang silbi ang Office of the Ombudsman ay mainam nang buwagin na ito.
Buwagin na rin daw ang Sandiganbayan, diin ni Martires.
Ang husay ni Martires!
