One Hospital Command Center dinadagsa pa rin ng tawag 100 CALL CENTER OPERATORS IDINAGDAG

BUNSOD ng patuloy na pagdagsa ng tawag mula sa mga naghahanap ng mapupuntahang ospital sa mga tinamaan ng COVID-19, nagsanib-puwersa na ang Department of Health (DoH) at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) para sa pagdaragdag ng call center operators.

Sinabi ni Presidential spokesperson Harry Roque, maghahati sa pagbabayad ang MMDA at DOH para sa 100 call center operators na sasagot sa tawag na matatanggap ng One Hospital Command Center.

Aniya, kung dati-rati’y mahirap talagang makapasok sa One Hospital Command, ngayon ay siguradong mas madali nang makakakontak dito.

Samantala, patuloy namang nananawagan si Sec. Roque sa publiko na tumawag sa One Hospital Command upang hindi na mag-hospital hopping ang mga naghahanap ng pagamutan.

Maaaring tumawag sa mga telepono bilang 1555 o di kaya ay sa 0915-777777.

“Naka-flash po sa inyong screen ang COVID-19 hotline numbers sa Metro Manila na maari ninyong tawagan. Now kasama po dito ang 1555 at kasama rin po dito iyong 0915-777777. Dinial (dial) po natin itong 1555 at ito po ang maririnig ninyo [voice operator] tapos mayroon po kayong mga pipindutin na mga numero para sa serbisyo na kinakailangan ninyo. Pero iyon po dinial ko lang,” ayon kay Sec. Roque.

“Dati-rati po mahirap talagang tawagan, pero noong nasa ospital po ako, isa pong ginawa ko eh nakipag-ugnayan kay Chairman Abalos at sa DOH. So iyong habang nasa ospital po ako, nadagdagan po ng 100 na call center operators ang ating One Hospital Command Center, singkuwenta po ay babayaran ng MMDA at singkuwentang karagdagan ay babayaran po ng DOH. So gumagana na po, nako-kontak ang mga hotlines ng One Hospital Command Center,” dagdag na pahayag nito. (CHRISTIAN DALE)

153

Related posts

Leave a Comment