One Meralco Foundation naghatid liwanag sa maraming kabahayan sa Majayjay, Laguna

Isa si Marissa Espares ng Barangay Pangil sa mga naging benepisyaryo ng Household Electrification Program ng One Meralco Foundation sa Majayjay, Laguna. Hatid ng programa ang ligtas na paggamit sa kuryente na makatutulong sa hanapbuhay ng nasa 86 na bagong customers sa nasabing bayan.

Pitong buwan nang nagtitiis si Marissa Espares at ang kaniyang anim na anak na walang kuryente sa kanilang tahanan sa bayan ng Majayjay sa Laguna.

Tanging mga kandila at dalawang maliliit na solar panel ang nagbibigay liwanag sa kanilang munting bahay- isang sitwasyong kanilang tinitiis dahil wala silang sariling linya ng kuryente.

Bagamat kinakaya ni Marissa at ng kanyang asawa ang kawalan ng kuryente, masakit umano sa kaniyang loob na makita ang mga anak na nagtitiis sa init habang natutulog o gumagawa ng kanilang mga takdang aralin sa dilim.

“Nahihirapan po [‘yung mga bata], lalo na ‘pag gagawa ng assignment kasi madilim,” ani pa niya.

Upang magkaroon ng ilaw sa kanilang tahanan, napilitan si Marissa na mag-submeter muna sa kanilang kapitbahay. Ngunit nang maputulan ng kuryente ang kanilang pinagkakabitan, kinailangan na nilang mamuhay na walang ilaw.

“Nagtiis po kami ng seven months na nakakandila,” pag-alala niya.

Nakahinga ng maluwag si Shiela May Exconde dahil sa mas mababa na ang binabayaran nilang kuryente sa pagkakaroon ng sariling koneksyon. Isa rin si Exconde sa mga naging benepisyaryo ng OMF na dating nakikikabit lamang ng kuryente sa kapitbahay.

Ang mga kuwentong tulad ng karanasan ni Marissa at ng kaniyang pamilya ang dahilan kaya binuo ng One Meralco Foundation (OMF)- ang corporate social responsibility arm ng Meralco- ang proyektong Household Electrification Program.

Sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan ng OMF at Meralco Business Centers sa mga lokal na pamahalaan, naisasakatuparan ang layunin nitong mabigyan ng access sa tuloy-tuloy at maaasahang serbisyo ng kuryente ang ating mga kababayan sa iba’t ibang komunidad.

Dahil sa flagship program ng OMF, nakatanggap ng suporta ang maraming pamilya sa Barangay Pangil, Panglan, at Gagalot sa Majayjay, Laguna para makapag-apply ng sariling service connection.

Kagaya ni Marissa na matagal nang naghihintay na magkaroon ng sariling kuryente, nasa 86 na low-income household sa Majayjay ang makapagsasabi na sa wakas may liwanag na sa kanilang mga tahanan.

“Salamat sa Meralco kasi nagkaroon ng assistance para sa mga kagaya ko na kapos sa budget para makapagpakabit ng kuryente. Nagpapasalamat ako kasi nagkaroon na kami ng kuryente,” sambit ni Marissa.

Dahil sa sarili na nila ang koneksyon sa kuryente, nakagagamit na si Marissa Espares ng washing machine upang mapadali ang kaniyang gawaing-bahay. Isa ito sa mga naging resulta ng tulong na ipinaabot ng One Meralco Foundation sa ilang residente sa Majayjay, Laguna.

“Nakukuha mo na ‘yung gusto mong gamit. Tuwang-tuwa ‘yung mga bata kasi kahit anong oras, puwede silang gumamit ng kuryente.”

Hindi lamang ginhawa ang hatid ng programa ng OMF at Meralco.

Nagbukas din ito ng oportunidad sa mga benepisyaryo na magkaroon bagong pagkakakitaan, lalo’t tuloy-tuloy na ang daloy ng kuryente, at mayroon na silang sariling metro.

Ayon kay Marissa, maaari na siyang magsimula ng maliit na negosyo kagaya ng pagbebenta ng ice candy o paggawa ng halo-halo na papatok ngayong tag-init.

Malaki ang pasasalamat ng alkalde ng Majayjay na si Romeo Amorado [ikatlo mula sa kaliwa] sa Meralco dahil sa tulong na hatid nito sa kaniyang mga nasasakupan na magkaroon ng sari-sariling koneksyon ng kuryente.

Kasama ang pamilya ni Marissa at mga taga-Majayjay sa higit 79,000 na pamilya na binigyang pag-asa ng OMF at Meralco sa pamamagitan ng paghahatid liwanag sa nakalipas na mga taon.

Kaisa ang OMF at Meralco sa pagtataguyod ng kampanya ng gobyerno na magkaroon ng kuryente ang lahat ng tahanan sa bansa pagdating ng 2028.

11

Related posts

Leave a Comment