MANINIKTIK ni GREGORIO SAMAT
INUTIL ang Commission on Election lalo na ang mga local Comelec, sa pagsawata sa vote buying sa kanilang nasasakupang lugar sa mga probinsya, bayan at mga siyudad sa labas ng Metro Manila.
Sa nakarating na impormasyon sa atin, may local candidates ang nagbibigay na ng P500 bawat botante kapalit ng mga pagboto sa buong slate mula sa governor, vice governor, board members, mayor, vice mayor at city at municipal council sa isang lalawigan sa Norte.
‘Yung mga kalaban naman nila ay panay ang bigay ng ayuda at may balita ring bibili sila ng boto sa mas malaking halaga at hindi rin patatalo ang ilang City at Municipal councilor candidate dahil nagpapalista na sila ng mga pangalan na babayaran ng P50 hanggang P100 para masiguro ang panalo nila.
Ang hindi lang namimili ng boto na kandidato ay mga senatorial candidate pero may mga nagbaba ng pondo sa incumbent officials na kakampi nila para isama sila sa ikakampanya para maiboto.
Open secret ang bilihan ng boto sa mga probinsya pero walang ginagawa ang Comelec sa bawat probinsya, bayan at siyudad para sawatain ito. Hindi ko alam kung natatakot sila o nagbubulagbulagan na lamang sila.
Ang tanging maingay kontra sa vote buying ay ang Comelec national pero pagdating sa kanilang local official ay tahimik at tameme ang kanilang mga tauhan gayung sila ang nakakaalam sa nangyayari sa ibaba.
Hindi ine-eko ng local Comelec ang kanilang national office pagdating sa vote buying. Ang nagbabantay ay ‘yung mga tauhan ng mga kandidato na walang pambili ng boto o ayaw bumili ng boto dahil gusto nilang malinis ang gaganaping halalan.
‘Yung mga tao ng mga kandidato na nagbabantay ay hindi rin naman makakukuha ng matibay na ebidensya dahil wala namang botante ang tetestigo para patunayan na binayaran na ang kanilang boto ng isang kandidato. Takot lang nila.
Imposible rin ‘yung sinasabi ng Comelec na kunan ng video ang mga bibili ng boto dahil nag-iingat din ang mga kandidato na hindi sila mapahamak kaya ang ginagawa ng kanilang mga tao ay ‘yung mga botante na walang sinusuportahang kandidato ang kanilang binabayaran.
Saka mahirap madiin ang isang kandidato sa vote buying dahil hindi naman sila ang direktang nagbibigay ng pera kundi ang kanilang mga tao sa ibaba. Sakaling mahuli ang kanilang mga tao ay puwede nilang itanggi na tauhan nila ang nahuli dahil hindi naman nila staff ang mga ‘yun kundi mga volunteer kuno.
Pero kung talagang gusto ng Comelec na magtagumpay laban sa vote buying ay pakilusin nila ang kanilang local officials pero hangga’t ang Comelec nationals at tanging si Chairman George Garcia ang nagsasalita, suntok sa buwan ang kampanya laban sa pamimili ng boto ng mga kandidato.
Hindi rin ubra ‘yung kampanya ng mga mainstream media at ibang organisasyon laban sa voting buying dahil hanggang bunganga lang naman sila at wala silang tao sa ibaba na magbabantay, suntok sa buwan talaga ang pangarap ng lahat na matigil ang vote buying!
