‘ONLINE-BASED EDUCATION’ HIRIT SA SUSUNOD NA TAON

HABANG pinag-aaralan ng Department of Education (DepEd) ang posibilidad na gawing online-based ang edukasyon para sa susunod na school year kasunod ng mga problemang dulot ng COVID-19, hinimok ni Senador Win Gatchalian ang departamento upang tiyaking patuloy rin ang pag-aaral ng mga nasa “Last Mile Schools” o iyong mga matatagpuan sa malalayo at liblib na mga lugar.

Sinabi ni Gatchalian na mayroong mahigit pitong libong paaralang kabilang sa “Last Mile Schools” na madalas ay wala pang isandaang mga mag-aaral at may lima lamang na guro.

Aniya, 75 porsyento naman sa mga mag-aaral ng mga paaralang ito ay kabilang sa mga “indigenous peoples.”

Hinimok din ng mambabatas and DepEd na tugunan ang pangangailangan ng 600,000 mga mag-aaral na bahagi ng programang Alternative Learning System o ALS, isang sistema ng edukasyon na ibinibigay para sa mga walang access sa isang pormal na sistema ng pagtuturo.

Apela pa ni Gatchalian sa DepEd na palawigin ang paggamit ng mga non-digital OERs para sa mga mag-aaral na walang internet.

Una nito, inilunsad ng DepEd ang platapormang “DepEd Commons” kung saan maaaring kumuha ng review materials at mga Open Educational Resources o ang mga digital at non-digital learning materials na magagamit nang libre.

Tinatayang 3.1 milyon na ang gumagamit ng DepEd Commons ngunit inamin ng DepEd na hindi lahat ay pwedeng mag-online classes lalo na ‘yung mga nasa malalayong lugar na hindi pa nakakabitan ng internet. NOEL ABUEL

152

Related posts

Leave a Comment