KINUMPIRMA ni Senador Win Gatchalian na gagamitin ng lokal na pamahalaan ng Valenzuela ang Facebook para sa kanilang online classes makaraang lumitaw sa survey na 90% ng mga estudyante at magulang ang may access sa social media platform.
Sinabi ni Senador Win Gatchalian, kapatid ni Valenzuela Mayor Rex Gatchalian, na batay sa kanilang survey, lumitaw din na 80 porsiyento ng mag estudyante ang mayroong sariling gadget at may internet connection.
“We found out that almost 80% ng students namin may connection sa internet at meron silang smartphones through their parents. So ang ginawa namin doon bumili kami ng tablets sa remaining 20% (30,000 students) at when we asked our parents kung ano yung kanilang preferred interaction, we found out that almost 90% sa kanila may Facebook,” paliwanag ng senador.
Nilinaw naman ng mambabatas na bagama’t mayroon silang sariling video program ay gagamitin pa rin nila ang mga programa ng Department of Education sa national tv at radio.
“‘Yung competencies pareho, nationwide yung tinuturo ng DepEd pareho lang, it’s how you deliver it will be different,” dagdag ni Gatchalian.
Sinabi ng senador na mayroon silang binuong team kabilang nag mga guro na magtuturo ng live sa Facebook subalit ia-upload din nila sa Youtube para sa mga estudyante na nais balikan ang lessons.
“In other areas, not in Valenzuela, asynchronous, record lang sila ng record, iu-upload lang nila let’s say in youtube tapos pwede panoorin ng bata anytime, so hindi siya synced. Sa Valenzuela we chose synchronous kasi we found out sa Metro Manila hindi masyado issue ang connectivity, as we all know, para yung bata maka participate actively,” paliwanag ng mambabatas. (DANG SAMSON-GARCIA)
163
