LAGUNA – Arestado ang isang online seller makaraang makumpiskahan ng mahigit 100 piraso ng endangered animals sa bayan ng Sta. Cruz sa lalawigang ito.
Kinilala ang suspek na si Paulo Mendoza, nadakip sa ikinasang entrapment operation ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group CIDG Laguna, kasama ang Department of Environment and Natural Resources DENR 4-A noong Biyernes ng gabi.
Inaresto si Mendoza nang bentahan ng hayop ang isang pulis na umaktong poseur buyer.
Nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act No. 9147 (Wildlife Protection Act) ang suspek na nakumpiskahan ng 138 pirasong leopard gecko reptile, 6 pirasong tarantula; 6 pirasong scorpion; 16 pirasong ball python snake; 1 pirasong beard dragon reptile; 16 pirasong progenies snake, at boodle money na ginamit sa operasyon.
Ayon sa mga awtoridad, hinanapan ng kaukulang permit mula sa DENR ang tindahan ng suspek na Geckos Under The Mountain shop ngunit wala itong naipakita.
Isang certificate of wildlife registration (CWR) lamang ang ipinakita ng suspek sa mga awtoridad ngunit walang nakasaad doon na awtorisado siyang magbenta ng wild animals.
Agad na itinurn-over ng DENR 4-A sa Regional Wildlife Rescue Center sa Calauan, Laguna ang nakumpiskang mga hayop. (CYRILL QUILO)
