TINIYAK ng Department of Trade and Industry (DTI) na hahabulin nila ang mga online seller na nagsasamantala sa bentahan ng facemask, alcohol, sanitizers at iba pa.
Sa Laging Handa press briefing sa New Executive Building (NEB), Malakanyang ay sinabi DTI Secretary Ramon Lopez na hindi sertipikado ang mga online seller.
Posible aniyang peke ang kanilang mga tinda kaya wala rin itong bisa o hindi epektibong panlaban sa COVID-19.
Kaugnay nito ay sinabi ni Sec. Lopez na nagsimula na rin silang magpunta sa warehouse ng mga manufacturer ng facemask at iba pang sanitary products at kapag napatunayan na sila’y nagtatago ng kanilang produkto lalo na ngayong nasa state of public health emergency ang bansa ay maaari silang mapanagot sa batas.
Sinabi nito na hahabulin din nila ang mga hoarder at profiteers.
Samantala, umaapela ang gobyerno sa publiko na huwag mag-panic buying dahil hindi kasama sa gagawing paghihigpit na pumasok sa Metro Manila ang cargoes kaya’t tuloy pa rin ang supply.
Ang panic buying aniya ang dahilan kung bakit nagkakaroon ngayon ng artificial shortage. CHRISTIAN DALE
192 