HINIKAYAT ni Senador Joel Villanueva ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) na himukin din ang mga online seller na kumuha ng entrepreneurship courses upang
matulungan sila sa pagpapalago ng negosyo.
Sinabi ni Villanueva na malaki ang papel ng TESDA upang mabigyan ng tamang training ang online sellers upang matiyak ang kanilang tagumpay.
Ginawa ng senador ang pahayag makaraang lumusot sa Senado ang Bayanihan 2 Bill kung saan nakapaloob ang paglalaan ng P1 bilyon sa training ng mga displaced workers at maging mga
bumabalik na Overseas Filipino Workers.
“Mismo ang Pangulo na po ang nagsaad ng kahalagahan ng karagdagang training para sa ating mga manggagawang nawalan ng trabaho. TESDA po ang pangunahing ahensya na makakatugon sa
panawagan ng ating gobyerno kaya po hinihikayat natin ang pamunuan ng ahensya na ipakita ang kakayahan nito na sanayin at baguhin ang buhay ng mga manggagawa,” saad ni Villanueva,
chairman ng Senate labor committee.
Una nang nagpahayag ng kalungkutan si Villanueva makaraang i-realign sa mga gastusin sa COVID-19 pandemic ang P2.103 bilyong budget ng TESDA para sana sa scholarships nito.
Sa ilalim ng Bayanihan 2 bill, isinulong ni Villanueva ang paglalaan ng P1 bilyon para sa tech-voc agency upang madagdagan ang scholarships na ibinibigay nito.
Kasama rin sa panukala ang P15 bilyong cash-for-work assistance sa mga manggagawa; P17 bilyong involuntary separation assistance at P3 bilyong ICT infrastructure upgrades sa state universities and colleges. (DANG SAMSON-GARCIA)
