NILINAW ni Senate Finance Committee Chairman Sonny Angara na mini stimulus package lamang para sa COVID-19 ang inaprubahan nilang bersyon ng Bayanihan to recover as one act.
Ipinaliwanag ni Angara na tulad ng napag-usapan nila sa Department of Finance (DOF) at iba pang economic managers, magkakaroon pa ng ibang stimulus package ang gobyerno upang suportahan ang mga hakbang sa pakikipaglaban sa COVID-19.
Inilabas ni Angara ang paliwanag kasunod ng babala ni House Assistant Minority Leader Stella Quimbo na ang piecemeal set ng stimulus packages ay hindi magiging epektibo sa paglaban sa
COVID-19.
Sinabi ni Angara na habang pinag-aaralan ang mas malaking halaga ng stimulus package, dapat munang magpasa ng batas na tiyak na mapopondohan.
“An unfunded mandate would be a shame. This is a matter of what is doable. We also need to be realistic in our expectation, and I doubt it (Bayanihan 2) will go over P200 billion,” diin ni Angara.
Batay sa inaprubahang Bayanihan 2 ng Senado, maglalaan ng P50 billion tulong sa micro, small and medium enterprises, P32 billion sa cash-for-work program at unemployment assistance, tig-P17 billion sa transportation at agriculture sector, P10 billion sa tourism, P4 billion sa smart campuses at Technical Education and Skills Development Authority training. (DANG SAMSON-GARCIA)
