BISTADOR ni RUDY SIM
MUNTIKAN nang magkaroon ng mis-encounter sa pagitan ng mga tropa ng Philippine National Police at ng ilang abusadong grupo umano ng mga Muslim na ahente ng Bureau of Immigration noong nakaraang Huwebes, makaraang magpaputok ng matataas na kalibre ng baril nang kanilang arestuhin ang isang bigtime Chinese businessman sa Lungsod ng Pasig.
Sinabi ni NCRPO chief, Brig. General Anthony Aberin, ang pagdampot ng mga armadong kalalakihan sa isang Chinese na inakalang kidnapping kasunod ng pagpapaputok ng baril, ay nagdulot ng takot sa publiko dahil umano walang koordinasyon ang naturang operasyon sa Pasig City Police, na agad na nagsagawa ng blocking force dahil na rin sa lumalalang kriminalidad na target ang mayayamang Chinese sa bansa.
Bakit nga ba tila naging over acting ang naging operasyon na ito ng BI at kailangan nilang humingi ng puwersa mula sa AFP? Mayroon bang kalaban sa negosyo itong Chinese na nagbayad para sa operasyong ito? Nakapagtataka naman na naging pursigido itong si BI Commissioner Joel Viado na maglabas ng mission order para hulihin ang isang negosyanteng Chinese na ang violation lamang umano, ayon sa pulisya ay ang hinihinalang pineke nito ang kanyang dokumento para sa dual citizenship?
Hindi ba’t ang dual citizenship ay dumaraan sa masusing pagproseso ng BI at ilang ahensya ng pamahalaan. Hindi naman bago sa atin na hindi magiging ganito kalaki ang naging operasyon ng BI agents sa pangunguna umano ng isang alyas “Bato” mula sa intelligence division ng BI, na nagpaputok daw ng baril samantalang iisa lamang ang kanilang target at bakit kailangan ng militar na naka-full battle gear, terorista ba ang target?
Sinabi naman ng BI na ang Chinese national na si Lu Tianqu, 32, na banta umano sa national security ng bansa, ay nagmamay-ari ng 47 financial holdings companies at 97 real estate properties, so, paanong ito ay naging banta sa seguridad? Teka, kung seryoso ang pamahalaan na habulin ang Chinese nationals na may kahina-hinalang citizenship sa bansa, bakit itong si Alice Guo ay hindi pa rin kinakansela ng DFA ang Philippine passport? Hmm… Magkano?
Samantala, gaano kaya katotoo na tila naging magician itong mga tauhan ni Kume Vayad-O sa kanilang naging operasyon sa RCBC building sa Makati noong bago mag-Holy Week? Ayon sa tsismis na kumakalat sa ahensya, 116 Chinese nationals ang hinuli rito ngunit isa lang ang dinala sa BI main office, na may kaso umanong overstaying. Saan napunta Kume, ang 115?
Hindi natin inaakusahan na may aregluhang nangyari pero bakit tila sobra naman ang pagtitiwala ng Malacañang sa pamumuno ni DOJ Secretary Boying Remulla, na patuloy ang pananahimik sa kabila ng ilang kapalpakan ng kanyang bata na si Kume Vayad-O? Kailangan bang bantayan ng Pangulo ang panghuhuli ng BI sa mga dayuhan kung ito ay nagagampanan nang tama at hindi naaabuso?
Bakit itong isang mataas na opisyal ng BI na si alias “Tanda” ay muling nagpakita umano sa Bicutan detention facility, na siya pa umano ang sumundo sa paglabas sa kulungan ng isang Chinese fugitive. Bakit kaya pinayagan itong makapagpiyansa? Aba’y Tanda, kapal mo… magkano?
Para sa inyong sumbong at reaksyon, maaaring i-text ako sa 09158888410.
(Ang mga ipinapahayag sa kolum na ito ay sariling opinyon ng sumulat at hindi saloobin ng pahayagang SAKSI Ngayon – Patnugot)
