ANG MGA ANO AT BAKIT NG KARAHASAN LABAN SA KABABAIHAN

Psychtalk

(UNANG BAHAGI)

BILANG pagpapatuloy ng aking pagtatalakay sa mga usaping akma sa nakaraang buwan ng kababaihan, tutuunan ko naman ngayon ang walang kamatayang pananakit sa mga kababaihan, na sa kabila ng mga umiiral na mga batas para mapigil ito, ay tuluy-tuloy pa rin ang pagtaas ng bilang ng mga kaso kaugnay nito.

Anu-ano nga ba ang mga porma ng pang-aabuso, karahasan, o pananakit sa mga babae? Mas alam natin siguro ang pisikal na anyo gaya ng pambubugbog, pagsampal, pagpaso ng sigarilyo sa balat, pag-uuntog, pagsakal, at iba pa.

Talamak din ang mga sekswal gaya ng paghihipo, pangmomolestiya, pagtangkang paggagahasa, at mismong panggagahasa. Ang mga mas sikolohikal at emosyonal na porma ay pananakot, pagkakait sa karapatang makasama ng anak, pagtataksil, pagsasabi ng mga masasakit at nakakababa ng pagkataong salita, paglalayo sa babae sa mga kaibigan o pamilya, at iba pa.

Mayroon ding ekonomikal na pananakit gaya ng hindi pagbibigay ng sapat na suportang pinansiyal, pagpigil sa babae para magtrabaho o maging produktibo, o kaya kung nagtatrabaho naman ay pagkuha ng lahat ng kinikita nito.

Malamang, marami pang mababanggit na paraan o anyo ng pananakit sa kababaihan ang ating mga mambabasa. ‘Yun nga lang at may limitasyon tayo sa espasyo.

Ang nakakalungkot, babae na nga ang madalas na biktima, sila pa rin ang mas nasisisi kung bakit sila nasasaktan o naabuso. Baka sobrang madaldal kaya uminit ang ulo ng partner. Baka ‘di niya ginagampanan nang maayos ang mga responsibilidad niya bilang babae kaya nasasaktan. Baka ‘di rin siya kasi maayos na klase ng babae.

O baka naglalakad mag-isa na maikli ang damit sa alanganing oras at sa delikadong lugar, o kaya naman ay sobrang magaslaw. Baka ginusto rin niya at siya ang nagpakita ng motibo.

Madalas maraming ibinabatong paninisi sa mga biktima ng karahasan. Ang pinakamasaklap ay ang sabihan kang baka gusto rin ito ng babae. Ngunit sa karanasan ko bilang dating counselor sa mga babaeng biktima ng karahasan, wala pa akong nakausap na nagsabing gusto niyang mabiktima. Nagkakaisa rin ang mga eksperto sa isyu na kahit kailan walang anumang katanggap-tanggap na dahilan para sa pananakit sa kababaihan. (Psychtalk / EVANGELINE C. RUGA, PhD)

953

Related posts

Leave a Comment