ABUSADONG FACT CHECKERS KUNO!

KUNG titingnan lang natin ang mga post sa Facebook, Twitter at iba pang online platforms, parang maniniwala ang kahit na sino na talagang may pag-asa pa si Leni Robredo na ­makahabol ngayong eleksyon.

Pero sa totoo lang huwag lang magkadayaan at magkaroon ng Smartmagic ay talagang sa kangkungan naman siya pupulutin dahil sa laki ng lamang ng kalaban niya na si dating Sen. Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos sa kanya.

Ito ay base na rin sa resulta ng lahat ng mga survey ng lahat ng mapagkakatiwalaang polling firms sa bansa gaya ng SWS, Pulse Asia, Publicus, Laylo, OCTA at maging ng Kalye Surveys.

Sobrang aktibo lang kasi at maiingay ang trolls niya at ­supporters samantalang ang mga taga-suporta naman ni Marcos ay halos hindi makaporma.

Dangan kasi ay pinagbabaklas ng Facebook ang halos 400 accounts ng mga indibidwal at grupo na sumusuporta kay BBM, kaya naman talagang malaking epekto nito pagdating sa online presence ng kampanya niya.

Nagsagawa ng crackdown ang FB dahil kuno sa paglabag sa community standards nito, ­siyempre base na rin sa ­rekomendasyon ng fact ­checkers nila na Rappler at Vera Files na ­obvious naman na may ­pinapaborang kandidato.

Okay lang sana na may fact checkers ang online platforms pero dapat ay objective at walang kulay ang mga ito.

Ang nangyayari kasi ang mismong fact checkers ang nagiging source ng fake news dahil nga sa kanilang political leanings.
Pero ang masama ay wala naman sumisita at nagtatama sa mga kolokoy na fact checkers na ito.

Kaya tuloy super astig sila at tingin nila sa sarili ay sila lang ang awtoridad pagdating sa news dito sa Pilipinas at lahat ng kontra sa kanila at hindi kapareho ng kanilang opinyon ay matic na source na ng fake news.

Sa totoo lang, dapat magkaroon ng batas dito sa bansa na alinmang grupo o indibidwal na kukunin at magtatrabaho bilang fact checkers ay dapat kumpirmadong walang kinakampihan at hindi rin miyembro ng anumang news entity.

Ang nangyayari kasi dahil may sariling news outlets ang fact checkers ay nagagamit pa nila ang kanilang posisyon para ­gawing bida at palaging tama kung sino man ang binibitbit nilang mga kliyente.

Katulad na lamang ngayong halalan, dahil may kliyente ang fact checkers na ito na gusto nilang ­ipapanalo ay dapat iyong posts lang ng kliyente nila ang lumalabas sa online platforms, at iyong posts ng supporters ng mga kalabang kandidato ay pinababaklas nila.

Sa madaling salita, dapat ay tanggalan ng pangil ang mga abusadong fact checkers na ito para hindi na makapamayagpag at maghasik ng lagim sa lokal na journalism community.

101

Related posts

Leave a Comment