Maliban sa mataas na buwis, alam niyo ba na ang isa sa mga dahilan kung bakit napakataas ang presyo ng mga imported na mga produkto ay dahil sa napakalaking raket ng shipping lines at mga ahente nito?
Ito ngayon ang nais busisiin ni Rep. Ronnie Ong ng Ang Probinsyano Party-list sapagkat napakarami na umano ang dumadaing sa kanya dahil sa mga hindi makatwirang singil ng shipping companies at ng mga ahente nito.
Binigyang halimbawa ni Ong ang sinisingil na destination charge ng shipping companies sa mga ipinapakarga sa kanilang mga container na maliban sa napakataas ay hindi pa malaman kung saan napupunta.
Ang kawalan ng pangil ng batas laban sa pang-aabusong ito ang siyang nagtulak kay Ong na i-file ang House Resolution 198 upang kalampagin ang Department of Trade and Industry (DTI), ang Department of Transportation (DOTr) at ang Department of Finance (DOF) at tuluyan nang mapigilan ang ganitong sistema sa naturang sektor.
Maliban sa napakataas na destination charge, napakarami pa umanong mga kwestiyonableng singil ang ginagawa nitong shipping companies na kailangang sawatain ng pamahalaan.
Kabilang dito ang sinisingil na container deposit na umaabot sa US$400 bawat container kahit ito ay may katumbas naman na insurance at ang halos US$25 per container na container cleaning fee na sa totoong buhay eh wala namang paglilinis na nagaganap. Isama mo pa riyan ang terminal handling cost na sinisingil kahit wala namang terminal at documentation fee na doble-doble ang singil dahil may kaakibat din na documentation fee sa port of origin.
In short, sa bawat container ay halos umaabot na sa US$500 bawat container ang nawawala sa importer. Labas pa rito ang kanilang babayaring buwis at kung anu-ano pang mga parusa upang maipasok lamang ang kanilang mga kargamento.
Syempre, hindi naman iresponsable itong mga importer na pababayaan na lang na sila ay malugi dahil sa kalokohan ng mga shipping companies. Upang makabawi, aba’y natural na ipapatong nila ang kanilang lugi sa presyo naman ng kanilang mga iniangkat na mga produkto.
Sana nga ay matuldukan na itong kalokohan ng mga shipping companies. Mabuti na lang at naamoy ito ni Rep. Ong na bagama’t baguhan pa lang ay mukhang nagpapakita na ng tunay na galing at malasakit sa bayan. (Bagwis /GIL BUGAOISAN)
150