MY POINT OF BREW ni JERA SISON
PATULOY pa rin ang nangyayaring nobela ng Gilas Pilipinas. Matapos ang kanilang paglahok sa FIBA World Cup at natapos ng isang panalo kontra tatlong talo, ang kasunod na yugto ay ang kanilang pagsabak sa nalalapit na Asian Games. Magsisimula ito ngayong ika-25 ng Setyembre sa Guangzhou, China.
Tulad ng isinulat ko sa aking nakaraang kolum, marami sa mga manlalaro noong huling torneo ay maaaring hindi maglaro sa Asian Games. Ilan dito ay sina Dwight Ramos, AJ Edu, Rhenz Abando at Jordan Clarkson na babalik sa kanilang mother ballclub sa ibang bansa.
Ang Asian Games kasi ay hindi napapasailalim sa FIBA kaya hindi obligado na ipahiram ang mga manlalaro ng isang pribadong koponan upang maglaro na kani-kanilang national team.
Dagdag pa sa problema ng Gilas Pilipinas ay ang boluntaryong pagbibitiw ni Gilas Coach Chot Reyes pagkatapos ng kanilang partisipasyon sa FIBA World Cup. Kaya naman agarang nagsagawa ng pulong ang Samahang Basketbol ng Pilipinas na pinamumunuan ni Al Panlilio, ang punong abala ng San Miguel Corporation sports program na si Al Francis Chua, at si PBA Commissioner Willie Marcial upang resolbahin ang mainit na isyung ito.
At tulad ng inaasahan, kaliwa’t kanan muli ang mga komento at batikos ng ating Pinoy basketball fans na parang wagas na wala nang nagawang mabuti ang SBP at ang kanilang basketball program sa ating bansa. Haaaays.
Sa totoo lang, kung titingnan natin ang mga iskor ng Gilas Pilipinas laban sa Italy, Angola at Dominican Republic, ang Gilas Pilipinas ay hindi tinambakan. Dagdag pa dito ay tinambakan ng ating koponan ang China ng 21 points. Ngayon lang yata nangyari ito sa kasaysayan ng ating mga laban kontra China. Ayaw pa ba natin ito?
Ang pinakawastong susunod na papalit kay Chot Reyes ay ang kanyang assistant coach at multi-awarded PBA coach na si Tim Cone. Kasama siya sa pagbuo ng kasalukuyang line-up ng Gilas Pilipinas. Ang ibig sabihin ay wala na masyadong ‘adjustment period’ para kat Tim Cone sa mga galaw at plays ng Gilas Pilipinas. Subalit noong araw nang humingi ang mga peryodista ng komento mula kay Cone kung papayag siyang maging susunod na head coach ng Gilas Pilipinas, mabilis na pinabulaanan niya ang posibilidad na ito. Tinanggihan niya ang planong ito.
Kaya naman tila nagbago ang ihip ng hangin kahapon nang inaanunsyo ng SBP na si Tim Cone ang magiging coach ng Gilas Pilipinas para sa Asian Games.
Hindi ako magtataka na malaki ang impluwensya ng SMC sa pagbabago ng desisyon ni Tim Cone. Kailangan pa bang i-memorize yan?!
Ang nakatutuwa lang ay ang grupo ng MVP at ng SMC ay kapit-bisig para sa kinabukasan ng basketball sa ating bansa.
Magandang simulain ito. Sana naman ay magbago na ang pag-iisip at pananaw ng Pinoy basketball fans sa Gilas Pilipinas. Para sa bashers ni Chot Reyes, lawakan na natin ay pag-iisip at pang-unawa sa susunod na mga hakbang ng SBP at Gilas Pilipinas. Hindi biro ang trabahong ginagawa nila. Huwag na natin dagdagan pa ang kanilang problema sa pamamagitan ng pagbabatikos na kung minsan ay personal at wala nang kinalaman sa basketball.
493