ANG KABABAIHANG FILIPINO AT USAPIN NG MIGRASYON

Psychtalk

(IKALAWANG BAHAGI)

Sa huling bahagi ng sulating ito ay may naiwang ‘di direktang katanungan kung ang migrasyon at par­tisipasyon ng mga ka­babaihan sa lakas-pag­gawa ay nagdudulot ng totoong pag-angat ng pangkalahatang estado ng kababaihan.

Ayon sa ilang pag-aaral, maaaring ang usapin ng migrasyon ng kababaihan para magtrabaho ay naging isang salik para pagbabago ng pananaw at paggampan sa mga gender roles ng parehong lalake at babae.

Medyo nababasag na ang de-kahong pananaw kaugnay sa kung ano ang gampanin ng isang babae o isang lalake.

‘Di na lang si tatay ang aasahang magtrabaho, at si nanay ay itatali sa bahay para mag-alaga ng mga anak at tahanan.

Marahil ay hindi na bago sa atin ang salitang househusbands da­hil sa pagkakataong kinailangang lumayo si nanay, si tatay ang maiiwan sa bahay at mag-alaga sa mga anak.

Lumalabas na karamihan na nga sa mga babaeng nasa ibang bansa ay mga breadwinners na ng buong pamilya.

Ngunit ayon pa rin sa mga pag-aaral, hindi sapat na batayan ito para sabihing naabot na ang inaasam na pagkakapantay ng babae at lalake sa iba’t ibang kultura.

Napapansin na lalo na sa mga kulturang malalim ang pagkaugat ng patriarchy, kahit ang mga kababaihang nasa ibang bansa ang bumubuhay sa kanilang pamilya, pagkatapos ng kontrata at pag-uwi sa kanilang komunidad at pamilya, ay balik sila sa paggampan ng mga tradisyonal na ekspektasyon ng kultura at pamilya kung saan sila ay nailalagay pa rin sa mas mababang antas kumpara sa asawa o iba pang lalake sa pamilya.

Pero mabuti sana kung may babalikan pang pamilya.

Kasi minsan, sa halip na may magandang balik para sa kanilang pagsisikap at pagsasakripisyo sa ibang bansa, ay tila napaparusahan at nasisisi pa ang ilang kababaihan.

Na siyang nagpapaki­ta ng tinatawag na double-burden para sa mga mga babae.

Ilan na ba ang kuwentong narinig natin tungkol sa mga inang nangibang bansa para lang pag-uwi ay sisihin ng anak na nag-asawa nang maaga kasi walang gabay ng nanay daw; o pupukulan ng sisi ng asawang nangalun­ya kasi iniwan siyang nalulungkot ng misis na babae?

Saan mo nga naman ilulugar ang kababaihan sa ganitong mga sitwasyon?

Sadyang masalimuot ang usapin ng migrasyon ng mga kababaihan hindi lang sa Pilipinas kundi sa iba pang bahagi ng mundo. (Psychtalk / EVANGELINE C. RUGA, PhD)

317

Related posts

Leave a Comment