Napakatindi ng krisis na dinaranas natin sa kasalukuyan. Mawala na ang lahat huwag lang ang tubig. Ang tubig ay buhay. Kailangan natin ng tubig sa pang-araw-araw na pamumuhay.
Kailangan natin ng tubig sa pagpapanatili ng kalinisan sa katawan. Kailangan natin ng tubig sa paglilinis ng kapaligiran. Kailangan natin ng tubig upang manatiling malusog ayon nga sa matatanda.
Ang kahalagahan ng tubig ay isang bagay na hindi kailanman nagbago mula noong panahon ng mga ninuno natin magpasa-hanggang ngayon. Kung babalikan ang kasaysayan, kung manonood ng mga documentary ukol dito, makikita na ang mga komunidad noon ay laging binubuo malapit sa anyong tubig. Gaano man ka-moderno ang panahon ngayon, ang pangangailangan natin sa tubig ay hindi nagbabago. Marahil kaya nating mamuhay ng walang maraming bagay dahil maraming alternatibong solusyon para rito. Pero ang tubig kapag nawala, walang maaaring maipalit dito.
Mandaluyong at Pasig ang ilan sa mga malalang naapektuhan ng krisis na ito. Isang linggo na ang nagdaan mula nang biglang nawalan ng supply ng tubig sa amin. Tila kulang din sa abiso sa mga konsyumer. Buti na lamang at may sariling tangke ang aming tinitirhan. Paano na lamang yaong mga wala? Mayroon akong mga kakilala na sa opisina na naliligo dahil walang supply ng tubig sa bahay. Mayroon din akong kilala na hindi na nakakapasok dahil wala na ngang maisuot na damit, hindi pa makaligo dahil talagang hindi na bumalik ang supply ng tubig sa kanila. Ang ilang mga maliliit na kainan malapit sa amin ay apektado rin. Kung hindi sarado, napipilitang magsara nang maaga dahil sa kawalan ng tubig. Walang sapat na mailuto at walang panghugas dahil walang tubig. Hindi maitatanggi ang epekto nito sa pagiging produktibo ng isang tao. Paano ka nga naman magkakaroon ng lakas ng loob na bumiyahe at pumasok sa opisina nang walang ligo? Maaaring sa unang mga araw ay maitatago mo pa iyan pero paano kapag naglalagkitan na ang buhok mo at maubos na ang damit mong pamasok? Sobrang laking abala talaga na walang tubig lalo na’t ang tinamaan pang lugar ay isang lungsod kung saan maraming mga “corporate professionals” at mga opisina.
Buti na lamang at nagkaroon ng inisyatiba ang lokal na pamahalaan na magpakalat ng mga trak ng bumbero upang mag-rasyon ng tubig sa mga residente na apektado. Bukod pa riyan, nakiisa rin ang Maynilad at nangakong magbibigay ng 50 milyong litro ng tubig kada araw bilang tulong sa Manila Water. Napakalaking bagay nito dahil kahit paano ay maiibsan ang hirap na dinaranas ng mga customer ng Manila Water na lubhang naapektuhan ng krisis na ito.
Sa ngayon, base sa pahayag ni Manila Water Spokesperson Jeric Sevilla, posibleng umabot ng dalawang buwan ang kakulangan na ito ng supply ng tubig. Sa ganitong krisis ay kailangan ng mga customer ng Manila Water ang lahat ng tulong na kayang ibigay ng kumpanya. Hindi lamang mga residente ang apektado kundi pati rin mga hanapbuhay sa nasabing lugar. Sana ay patuloy silang magbigay ng update sa mga konsyumer ukol sa sitwasyon. Karapatan ng mga konsyumer na malaman kung ano ang totoong kalagayan ng sitwasyon upang kahit paano, sa kanilang munting paraan, ay makagawa sila ng paraang maibsan ang napakalubhang epekto ng krisis na ito.
Sa sobrang panic ng mga tao pati ang mga scheduled power interruption ng Meralco ay inaakala na ring konektado sa supply ng kuryente. Bagama’t nagkaroon ng mga pagkakataon na nag-anunsyo ng Yellow Alert ang NGCP, wala namang kailangang ipangamba ukol sa supply ng kuryente sa bansa. Hindi pa tayo dumarating sa punto na nangangailangan tayong magsagawa ng rotational brownout. Kung sakali man, mayroong contingency plan na nakahanda ang Meralco. Ito ay ang ILP o ang Interruptible Load Program na kinabibilangan ng mga malalaking konsyumer ng kuryente. Ito ay programa kung saan sumang-ayon ang mga konsyumer sa ilalim ng ILP na gumamit ng sariling mga generator set kung kukulangin ang supply na pumapasok sa grid nang sa gayon, mas maraming konsyumer ang patuloy na magkaroon ng supply ng kuryente. Kung sakaling aabot sa puntong ito, makakaasa namang magbibgay ng sapat na abiso ang Meralco sa mga customer nito. Ang mga nakikitang anunsyo ukol sa power interruption ay ang aming scheduled maintenance. Ito ay ang panandaliang pagkaantala ng supply ng kuryente upang maisagawa namin ang mga upgrade at modipikasyon sa aming mga pasilidad upang makapagbigay ng mas maayos na serbisyo. Huwag tayong malito at mag-alala sa ating mga nakikita ukol sa usaping ito. Kung may problema sa supply ng kuryente, una itong maririnig mula sa Meralco dahil ito ay parte ng aming responsibilidad sa aming mga konsyumer.
Sa halip na gumawa ng ibang isyu, tayo ay magtulungan upang maibsan ang epekto ng krisis na ito sa ating mga kapwa. Tayo ay magtulungan at pasasaan pa’t malalampasan din nating lahat ito. Bilang konsyumer at bilang taong kailangan ng tubig upang mabuhay, ako ay umaasa na hindi magtatagal at magkakaroon na ng solusyon ang krisis na ito. (Sa Ganang Akin / Joe Zaldarriaga)
300