ANG KARAHASAN LABAN SA MGA BABAENG FILIPINO

Psychtalk

SINASABI na isa sa pinakaprogresibong bansa partikular sa Asya ang Pilipinas pagdating sa usapin ng pagsusulong ng kapakanan ng mga kababaihan. Isang patunay nito ay ang pagpapasa ng ilang mga batas na nagtataguyod ng mga karapatan ng mga babae. Isa na rito ang RA 9262 o Anti-Violence Against Women and Children (Anti-VAWC).

Ilang taon na rin ang nakalilipas mula nang maipasa ang nasabing batas. Inaakala noon na sa wakas ay may katugunan na ang usapin ng karahasan na nararanasan ng mga kababaihan. Umasa na matitigil na ito dahil matatakot na ang mga nag-iisip na gagawa ng karahasan dahil nga may batas na naglalatag ng mga karampatang kaparusahan sa mga napatunayang gumagawa ng karahasan laban sa kababaihan.

Ngunit kapansin-pansin ang pagtaas ng mga naitalang kaso ng mga karahasan sa kababaihan mula nang lumabas ang batas noong 2004. At maaari nating sabihin na tila wala naman yatang epekto ang batas dahil hindi nito napipigilan ang paglaganap ng mga kaso ng karahasan. Sa diyaryo, radio, o TV man, patuloy tayong nakakabalita ng mga babae: bata, dalaga, may asawa, o may edad man, na nagiging biktima ng mga pangmomolestiya, panggagahasa, pananakit, pagpatay, at iba pang porma ng karahasan. Samakatuwid, patuloy ang pagtaas ng mga bilang ng kaso ng karahasan.

Puwedeng isipin na magandang senyales ang mga bilang dahil baka mas marami na ring nagkakalakas ng loob na magsuplong ng kanilang biktimisasyon dahil nga sa may sasandalan na silang batas. Baka kasi noong mga unang panahon ay takot lumantad ng mga karamihan ng babaeng nabibiktima dahil wala namang malinaw na batas na sasandalan. Sana nga ganito nga ang ibig sabihin nito.

Ang mga numero ay puwedeng nagpapakita rin ng isa pang posibilidad. Na bagama’t may batas na, ito ay batas lang na nasa papel. Dahil kung sa antas ng kultura ng lipunan, baka hindi pa umaabot sa kamalayan ng bawat isa ang malalim na pag-unawa sa karahasan laban sa kababaihan at sa kung bakit dapat itong pigilan o kaya ay iwasan. Samakatuwid, hindi sapat na may batas, bagkus kailangan ng malawakang edukasyon sa lahat ng sektor  tungkol sa isyung ito.  (PSYCHTALK / EVANGELINE C. RUGA, PHD)

210

Related posts

Leave a Comment