Ang mga nakaraang linggo ay naging mahirap para sa mga konsyumer sa mga lugar na sakop ng Manila Water. Sa pagdinig na pinangunahan ng House of Representatives, humingi ng dispensa si Manila Water President Ferdinand de la Cruz para sa malaking abalang naidulot nila sa kanilang mga customer. Sa aking personal na pananaw, isang kapuri-puring bagay ang ginawa niya at isa rin itong magandang panimula sa pagbibigay ng solusyon sa krisis ng supply ng tubig. Habang ang mga customer ng Manila Water ay nakakaranas ng matinding kakulangan sa supply ng tubig, ang mga konsyumer naman na nasasakupan ng Maynilad ay swerteng hindi naapektuhan ng ganitong krisis. Sa unti-unting pagbabalik ng supply ng tubig sa normal, nananatili pa rin ang malaking katanungang “Mapipigilan kaya ang pagkaulit ng ganitong pangyayari at ano ang mga hakbang na ginagawa ng Manila Water upang masigurong hindi na magtatagal ay maibabalik na sa normal ang supply ng tubig sa kanilang lugar na kinasasakupan?”
Matunog sa mga balita sa kasalukuyan ang Kaliwa Dam na napapabalitang popondohan ng bansang China sa pamamagitan ng Official Development Assistance (ODA). Ngunit nababanggit din ang ukol sa matinding oposisyon ng ilang mga grupo partikular na ang mga katutubong naninirahan sa lugar. Sila ang nakatira sa mismong pagtatayuan ng dam. Kung matutuloy ang pagtatayo ng dam, nanganganib na mapaalis na ang kulang-kulang na anim na libong pamilya. Maaari rin itong magdulot ng pagbaha sa mga kalapit na barangay gaya sa General Nakar sa Quezon at sa Tanay sa probinsya ng Rizal. Pinaghihinalaan ding maapektuhan ang agrikultura at gubat sa lugar pati na rin ang tinitirhan ng mga hayop sa loob ng Kaliwa watershed reserve. Sa isang pagdinig sa Senado na pinamunuan ni Senator Grace Poe, nagpahayag ng paninindigan si Father Pete Montellano, isang paring nakatira sa Quezon kasama ang mga katutubo sa loob ng ilang dekada, ukol sa kanilang pagtutol sa nasabing proyekto. Sila ay nangangambang tuluyang mapaalis sa kanilang kinagisnang lugar sa Sierra Madre kung saan nanirahan ang kanilang mga ninuno. Ang Republic Act 8371 o ang Indigenous People’s Rights Act of 1997 ay batas na kumikilala at naglalayong maisulong ang karapatan ng mga katutubo na manatili sa kanilang kinagisnang lugar. Ito ang isa sa mga matinding isyu na kailangang harapin ng mga nagsusulong ng proyekto. Kailangan nilang makuha ang suporta ng komunidad. Marami at malalim na pakikipag-usap at pagpapaliwanag ang kailangan nilang gawin sa komunidad upang makakuha ng suporta mula sa mga ito.
Isa pang proyektong nabanggit na naglalayon ding makadagdag sa supply ng tubig ay ang proyekto ng Global Utility Development Corporation or GUDC, isang kompanya mula sa Japan. Nagsumite sila ng plano na itayo ang Kaliwa Intertake Weir Project gamit ang pamamaraang Build, Operate, Transfer o BOT. Ang proyekto ay isang low head dam na may lalim na 7ft – ‘di hamak na mas mababa kaysa sa planong itayo ng China, na mayroong lagusan na may habang 16 km na may kasamang water treatment facility.
Iminungkahi ni Toshizaku Nomura, Chief Executive ng kompanya, na kayang matugunan ng proyekto ang kapasidad ng MWSS. Dagdag pa nito ay gagamit sila ng long term approach bilang konsiderasyon sa mga maaapektuhang komunidad at mga hanapbuhay sa lugar. Binigyang diin niya na ang disenyo ng kanilang dam at mga pasilidad ay siguradong pangmatagalan at maaasahan. Sa paliwanag ng kompanya, sinasabi nilang makabubuti sa lahat ang proyektong ito. Makabubuti sa lokal na pamahalaan, sa mga komunidad, at sa mga masusuplayan ng tubig mula sa dam.
Iwan na natin sa gobyerno ang pagdedesisyon ukol sa usaping ito kaakibat ng paniniwalang isasaalang-alang nila ang lahat ng mga opsyon na maaaring subukan. Ngunit dahil sa patuloy na lumalaking populasyon ng bansa at sa patuloy na pagganda ng takbo ng ekonomiya, oras ang ating kalaban. Bilang konsyumer, ako ay umaasa na lamang na ang krisis sa supply ng tubig ay magiging isang bahagi na lamang ng nakaraan na mas nanaisin nating ibaon sa limot kaysa alalahanin. (Sa Ganang Akin / Joe Zaldarriaga)
136