MGA DAGDAG-GASTOS NA HINDI NATIN ALAM

USAPANG KABUHAYAN

Madalas ‘pag may ginagawang solusyon sa mga problemang hinaharap ng taumbayan ang gobyerno ay iniisip ng marami na hindi na sila gagastos. Pero sa totoo lang ay lahat ng proyekto ng gobyerno ay nababayaran galing sa buwis na kinokolekta nito, at sa Pilipinas ay may buwis ang lahat ng bagay maliban sa paghinga.

Inisip ng pamahalaan noong 1997 na gaganda ang serbisyo sa publiko sa pagbibigay ng kontrata para suplayan ng tubig ang Metro Manila at mga karatig na lugar ng dalawang kompanya na pag-aari ng mga pinakamayamang pamilya sa Pilipinas – ang Maynilad na pag-aari ng Lopez family na ngayon ay naibenta na sa super-businessman na si Manny Pangilinan o MVP, at ang Manila Water na ang pinakamalaking investor ay ang Ayala family na isa sa pinakamatandang pamilya ng negosyante at bang­kero na kilala sa mahusay na pagpapatakbo ng mga negosyo nila.

Gumanda nga naman ang serbisyo bagaman ay medyo tumaas ang singil sa tubig na lumalabas sa  gripo. Dangan nga lang at hindi pa naaasikaso ng Manila Water at ng Maynilad ang pagsasaayos ng koleksyon at treatment ng mga dumi ng tao galing sa bawat bahay ay mga negosyo na kanilang customer na nagbabayad ng sewage fee kada buwan. Kasama ang sewage at waste water treatment sa serbisyo nila pero mukhang sa laki ng populasyon ay hindi pa kayang malinis lahat ng waste water galing sa mga bahay natin.

Ang hindi natin alam ay dapat pala hindi nagkaroon ng shortage ng supply ng tubig nitong mga ilang linggong nakaraan kung na­gamit na maigi ang ibinabayad natin simula pa noong taong 2008 para sa isang waste water treatment plant ng Manila Water sa Cardona, Rizal. Pero mali raw ang akala nilang tigas at bigat ng batong kailangang butasin at durugin para maisuksok ang mga tubo na malalaki sa daanang lugar para maipadala sa kanilang mga customer sa Metro Manila ang malinis na tubig. Hindi natin alam na nagbabayad na pala tayo ng halos labing-isang taon para sa proyektong ito sa Cardona na dapat ay natapos at nag-umpisa nang magbigay ng tubig noong 2018.

Bukod sa palpak na supply ng tubig, eto na naman ang pagtaas ng presyo ng gasolina at iba pang mga produktong langis dahil sa pagbabawas ng supply ng krudo sa pandaigdigang merkado. At ang may kasalanan dito ay ang cartel ng OPEC na nagdesisyong mas gusto nila na tumaas pa lalo ang presyo ng krudo sa mga darating na buwan para mas mabayaran ng mga miyembro nila gaya ng Saudi Arabia ang mga gastusin nila sa kanilang bansa. Dangan nga lamang at kasama sa mga gastusin nila ang napakamurang presyo ng gasolina para sa kanilang sariling mamamayan at lahat ng luho ng buhay gaya ng libreng pabahay, ospital, murang pagkain at halos libre na halaga ng kuryente.

Kaya tandaan natin na kahit may solusyon sa mga ganitong problema ay may gastos pa rin tayo. (Usapang Kabuhayan / BOBBY CAPCO)

140

Related posts

Leave a Comment