ANG KATURUAN

FOR THE FLAG

Kapag may balitang may mga pari na nang-abuso ng mananampalatayang Katoliko e namumuhi ang mga tao.

Normal na reaksyon po ‘yan. May mga kakilala akong tao na namolestya ng pari. May isa akong estudyante rin noon na namolestya ng pari. Maaaring nakakalimutan po natin na mga tao rin po sila, katulad natin sila rin po ay may pakiramdam.

Ako po ay matagal nang hindi Katoliko ngunit palagay ko ay lubhang na-overestimate kasi ng taumbayan ang mga pari kung kaya’t kapag nagkamali sila ay ganu’n na lamang ang muhi ng mamamayan sa kanila. Bukod sa pangmumolestya ay nadawit din ang ilang pari sa korapsyon ni Janet Napoles. Maging sa panahon din ni dating pangulong Gloria Macapagal-Arroyo dahil umano sa pagtanggap ng mga sasakyan na binili ng salaping mula sa kaban ng bayan.

Maaaring may mga paring nagkakamali, ngunit hindi naman po maaaring lahatin natin sila. Ako ay nagsilbing sakristan noong kabataan ko, mula Grade IV hanggang Grade VI sa parokya ng Immaculate Concepcion sa Siyudad ng Marikina. Hirap ang buhay ng aming pamilya kung kaya’t naging malaking tulong sa akin ang pagbibigay ng pang-araw-araw na baon sa akin ni Fr. Felix Ignacio, ang aming parish priest noon.

Ilang dekada na ring wala ako sa pananampa­lataya bilang Katoliko, ngunit nanatiling nirerespeto ko ang mga taga-sunod ng nasabing relihiyon. Dahil mga tao nga lamang ay pawang nagkakamali ngunit maling husgahan na nakagawa sila ng walang kapatawarang kasamaan.

Ang tao ay uhaw na maniwala, dahil kung walang paniniwalaan ay paano mabubuhay at bakit nabubuhay pa? Maging ang mga atheist ay may paniniwala, maaaring hindi sa Diyos ngunit nanatiling may paniniwala. Likas sa tao ang may pinaniniwalaan, maging ang hindi paniniwala ay isang paniniwala.

Ang mga lider ng iba’t ibang sekta ay maaaring magkamali at ako ay walang karapatang husgahan ang mga ito. Kung ano man ang kanilang ipinagkasala ay usapin sa pagitan ng nagkasala at ng Diyos. (For the Flag / ED CORDEVILLA)

230

Related posts

Leave a Comment